Agos - Isang Trahedya ng Pag-ibig at Kapalaran
Sa pusod ng isang mahiwagang ilog na kumikinang na parang kristal, namuhay si Marikit, ang pinakamaganda at pinakabunso sa labindalawang diwata. Taglay niya ang kakayahang magpagaling, isang biyayang nagmumula sa kanyang dalisay na puso. Ngunit sa kabila ng kanyang angking kagandahan at kabutihan, siya rin ang dahilan ng lihim na inggit at panibugho ng kanyang mga kapatid, lalo na ni Mariana, ang panganay na diwata na may kapangyarihang pasunurin ang sinuman sa kanyang nais.
Sa umaga, habang naglalaro sa tubig ang mga diwata, napansin ni Mariana si Maritza, ang diwata ng kamatayan, na tila hindi umaakto tulad ng isang tunay na diwata. Sa kanyang paningin, si Maritza ay isang dungis sa kanilang banal na lahi, kaya't pinagsabihan niya ito sa harap ng lahat. Ngunit sa kabila ng kanyang pagyayabang tungkol sa pagiging isang perpektong diwata, hindi niya maitatangging isang bagay ang bumabagabag sa kanya-ang paboritismo ng kanilang Ina kay Marikit.
Habang tinatawag ng Ina si Marikit upang maghapunan, lalong nag-apoy ang galit ni Mariana. Hindi lamang siya ang naiinis-lahat silang magkakapatid ay nakakaramdam ng matinding paninibugho. Sa hapag-kainan, ang tensyon ay lumobo, ang bawat isa ay may nais iparating, ngunit hindi tuwirang masabi. Hanggang sa sumiklab ang sagutan, at sa isang iglap, dumagundong ang boses ng kanilang Ina.
"Walang mga galang!"
Ang kanyang sigaw ay isang utos, isang paalala ng kanilang tunay na pagkatao. Sandaling natahimik ang lahat, ngunit sa loob ng kanilang mga puso, patuloy na naglalagablab ang inggit, sama ng loob, at hinanakit.
Ang ilog, tahimik ngunit patuloy na dumadaloy, tila nagsasalaysay ng isang trahedyang nakatakdang maganap.
All Rights Reserved