Dalawang ngalang minsang itinanghal ng daigdig,
dalawang pangarap na nilunod ng pait at dalamhating marikit.
May isang namuhay sa ilalim ng palakpak at papuri,
sa kinang ng medalya't karangalang hindi mabilang sa dami.
Sanay hiranging tanglaw ng talino't karunungan,
tila ba ipinanganak upang manatili sa tuktok magpakailanman.
At may isa namang dating hari ng karera't takbuhan,
hinangaan ng madla sa bawat yapak na tinatahak sa lansangan.
Magaan ang pagtakbo, wari'y hangin kung lumisan,
ngunit maging pinakamabilis ay hindi rin nakaiiwas sa kapalaran.
Isang pagsusulit ang nagdulot ng unang pagguho,
isang trahedya nama'y tuluyang nagpatahimik sa dating sigabo.
At sa pamantasang hindi kailanman naging minimithi,
pinaglapit ang dalawang pusong parehong napawi ang ngiti.
Walang pagkakaibigang kaagad na namukadkad,
kundi mga titig na wari'y punyal kung sumugat.
Mga katagang marahang binibigkas subalit may lasong tangan,
at mga paghahamok na pilit ikinukubli sa loob ng silid-aralan.
Sapagkat paano magpaparaya ang dalawang sanay magwagi?
Paanong luluhod ang pusong kailanma'y hindi nasawi?
Kapwa nilamon ng pagnanasang muling makapanindigan,
kapwa naghahanap ng saysay sa guho ng nakaraan.
Sa pagitan ng mga markang pilit inaabot sa itaas,
at mga pangarap na winasak ng tadhanang marahas,
unti-unting mahahayag ang mga sugat na matagal ikinubli,
sa likod ng katahimikan, yabang, at matang walang pighati.
Pagkat may mga pagkatalong hindi wakas ng paglalakbay,
kundi tulay patungo sa landas na tunay na inilaan ng Maykapal.
At may mga pangarap mang tuluyang naglaho sa paningin,
na siya palang hahawi sa tadhanang nararapat tahakin.
Isang salaysay ng pagbagsak at muling pagbangon,
ng pagtakbo at sapilitang paglingon.
Ng dalawang ngalang minsang sinamba ng sanlibutan-
hanggang sa sila nama'y tuluyang limutin ng karamihan.
All Rights Reserved