
Siguro wala nang mas kikinang pa sa gintong matatagpuan sa loob nang maalikabok at makapal na balot ng linya ng kuryente. Wala. Sa isip nga ni Kasandra, na halos anim na taon niyang nangunguha ng tanso, napagtanto niyang mas makinang pa ito sa ngipin nang bagong-silang niyang pamangkin. Nangniningning at tinatawag palagi ang kaniyang paningin, mabilis makakuha ng atensyon-at higit sa lahat, pinagkakaguluhan, lalo na ang pumpon nito sa bagong kawad ng kuryente na nakalaan para sa isang matayog na apartel sa kabilang ibayo nang higante't sementadong pader. Tila nabingwit ng kalangitan ang dulo ng labi ni Kasandra. Sa mata niya, hindi linya ng kuryente ang matayog na nakakabit sa poste, kundi pera. Kayamanan. Isang linggong pagkain na pangtustos sa kaniyang pamilya. "Gaga," ismid ni Mikaela, "Kakaná ka diyan, eh kung mahuli ka ng mga sundalong nagro-ronda sa kabilang ibayo ng bakod, habang kumakagat ka riyan sa kawad?" Umikot ang mata ni Kasandra, bago bigyan ng palatak ng dila ang kaibigan, "Para saan pa't bali-bali na buto ko? Gawin ko na lang ulit 'yong 'double t', talon saka takbo." Talon, takbo, o yuko at tago. Buhay ng mga mahihirap at pobre sa kabilang ibayo-lugar ng mga dukha, mga dumi sa lipunan ng mararangya. Kabisado na rin ni Kasandra ang mga lintanya na iyon. Sa tuwing naninira at nangunguha siya ng kawad ng kuryente, ang mapangmatang mga sermon ng mga batugang sundalo ang siyang sinisigaw ng kaniyang isip at puso. Hanggang may elitistang mayaman, may mahirap at mas naghihirap pa. Kaya sa isang babaeng tulad ni Kasandra, ang pera'y nasa pagdurusa ng mararangya. "Abot mo sa 'kin 'yong plais at cutter, ha?" Liningon niya si Mikaela. "Aakyat na ako." Jumping On Wires All Rights Reserved 2025 © LovelaceAll Rights Reserved
1 part