Minsan sa buhay ni Celine ay nagmahal siya ng isang Ethan Agoncillo. Guwapo, matalino, mayaman at higit sa lahat, palaging nasa tabi niya kapag kailangan niya ng makakausap. Ito ang isa sa mga taong hindi nang-iwan sa kanya noong mga panahong mababa ang self confidence niya at mababa ang tingin niya sa sarili niya. Hindi naman ito mahirap mahalin. Inakala pa nga niya na may katugon ang nararamdaman niya sa binata pero nang magtapat siya dito bago ito umalis ng bansa, napatunayan niyang pakikipag-kaibigan lang pala ang kaya nitong ibigay sa kanya. Kaya naman ginawa niya ang lahat para makalimutan ito. Kahit ang makipag-usap sa mga kaibigan nito ay iniwasan niya mapadali lang ang magmo-move on niya. Paglipas ng limang taon ay hindi niya inaasahan na magkikita pa uli sila ng tanging lalaking minahal niya. Muli ay naging malapit siya dito lalo na nang magpanggap itong nobyo niya nang dahil sa hindi inaasahang pagkakataon. Hahayaan na naman ba niyang umasa ang puso niya na may pag-asang mahalin din siya ng lalaking hindi naman pala nawala sa puso niya kundi nagtago lang sa kaibuturan niyon? O nanamnamin na lang niya ang masarap na pakiramdam sa piling nito hanggang sa matapos ang pagpapanggap nila?