Noong unang panahon, ang mga kulay ay hindi lang basta kulay kundi mga kaharian.
Ang kulay dilaw ay nabibilang sa Kaharian ng Liwanag, isang mundong puno ng init, tawanan, at walang katapusang saya. Ang mga tao sa kahariang yaon ay naniniwalang ang bawat emosyon ay hindi dapat itinatago bagkus ay malayang ipinakikita at ipinararamdam. Naniniwala kasi silang ang pagtatago ng pasakit ay magpapalala lamang sa sitwasyon. Sinasamba nila ang liwanag at kinatatakutan ang dilim na para bang ito ay isang kamatayan para sa kanila.
Sa kabilang banda, ang bughaw naman ay nagmula sa Kaharian ng Alon kung saan ang katahimikan ay sagrado. Ang kanilang mundo ay binubuo ng ulan, karagatan, at walang katapusang lungkot. Sa kanilang kaharian, itinuturo ang pagtatago ng emosyon dahil naniniwala sila sa kanilang mga nuno na ang pag-ibig ay ang ugat ng pagkasira.
Ilang siglo na ang nakalilipas nang ang Prinsipe Dilaw at Prinsipe Bughaw ay nahulog ang loob sa isa't isa. Ang kanilang pagmamahalan ay bumuo ng isang kulay na hindi pa nakikita ng kanilang kaharian-ang kulay luntian.
Masaya ito noong una. Ang lahat ay nagagalak. Sumibol ang mga bulaklak sa taglamig. Nagtatama ang karagatan at ang liwanag ng araw sa karagatan nang hindi nagdadala ng anumang bagyo. Ang kanilang mundo ay naging balanse sa pagitan ng init at lamig.
Ngunit ang balanseng iyon ay gumimbal sa bawat kaharian.
Ang mga tao ay nabahala na kung magpapatuloy ang pagsasama ng dalawang kaharian na iyon ay tuluyan nang mabura ang tunay nilang kulay, ang kanilang tunay na pagkakakilanlan.
Ang kanilang pangamba ay nagdulot ng kaguluhan. Ang dalawang prinsipe ay nagkahiwalay at bago pa sila mamatay, ang bawat hari ay nagtatag ng isang batas:
"Ang dilaw at bughaw ay hindi na dapat pang mabuhay sa parehong alapaap. Hindi na dapat sila magsama pa."
Seluruh Hak Cipta Dilindungi Undang-Undang