Akala ni Janelle Marquez, siya lang ang may lihim. Tahimik siyang nagmamasid, laging nakabantay, at laging sumusunod sa bawat galaw ng lalaking itinuturing niyang estranghero-ang malamig, mayaman, at misteryosong si Sebastian Elizalde. Akala niya ay baliw lang siya, akala niya ay siya lang ang nahuhumaling, akala niya ay nagkataon lang ang lahat ng pagtatagpo nila.
Pero mali siya. Dahil ang totoo... matagal na siyang binabantayan ni Sebastian. Matagal na niyang alam ang bawat hakbang, bawat salita, at bawat lihim ng buhay ni Janelle. Ang lahat ng pagkakataong akala niya ay swerte-ang pagkawala at pagbalik ng gamit, ang pagliligtas sa panganib, ang mga simpleng tagpo-ay hindi aksidente. Lahat 'yun ay plinano, inayos, at ginawa ng lalaking nagmamay-ari na ng puso niya mula pa noong sila ay mga bata pa.
Limang taon siyang naghintay. Limang taon siyang nagtago. Limang taon siyang naghanda para sa araw na maibabalik niya sa kanya ang babaeng inagaw, inalis, at nilinlang ng sarili nitong pamilya.
Sa likod ng pagkukunwari, sa likod ng mga alaala na sadyang pinalitan, at sa likod ng kasakiman na naghiwalay sa kanila noon... nakatago ang katotohanang handang gumuho ang buong mundo para lang pagbuklurin silang muli.
Dahil ang pagmamahal ni Sebastian ay hindi lang basta pag-ibig. Ito ay debosyon, obsesyon, at sumpa. Ito ay pagmamahal na handang sirain ang lahat-pamilya, pangalan, at kapangyarihan-para lang mapatunayan na sa huli... kahit anong mangyari, kahit sino pa ang humadlang... tayo pa rin ang mananalo.
Isang kwento ng dalawang pusong pinaghiwalay ng tadhana, pero pinagbuklod ng pagmamahal na mas matibay pa sa anumang kasinungalingan. Dahil sa mundong puno ng panlilinlang, ang tanging totoo... ay ikaw at ako.
______________________________________
Highest Ranking
#1 Admirer (06/05/26)
All Rights Reserved