Bago sila naging pinakamahusay na kadete ng pagsasanay, bago binalot ng dugo, usok, at lihim ang kanilang mga kamay, sina Theo at Charles ay nagsimula sa isang payak na pagkakaibigan. Isang samahang binuo ng mga tawanan sa gilid ng lawa, ng mga pangarap na sabay nilang binuo sa ilalim ng gabi, at ng isang pangakong walang iwanan.
Ngunit sa isang iglap, ang lahat ng matatag ay gumuho.
Ang isang pag-amin na nagmula sa kaibuturan ng puso ni Theo ay naging mitsa ng kanilang pagkakawatak-watak. Ang tapat na nararamdaman na dapat sana'y maglalapit sa kanila ay siyang mismong nagtulak kay Charles palayo. Nawala ang pagkakaibigan. Napalitan ng lamig ang dating init. At sa pagkalat ng tsismis, maging ang sariling tahanan ni Theo ay ipinagkait sa kanya.
Walang ibang matakbuhan, walang ibang mapuntahan, pumasok sila sa marahas at disiplinadong mundo ng military training camp. Doon, hindi na sila ang magkababata na nagtatakbuhan sa ulan. Sila na ang dalawang estranghero na magkatabi ngunit magkaiba ang tinatahak na landas, puno ng galit, pagsisisi, at mga salitang hindi masabi.
Sa gitna ng dusa ng pagsasanay, sa ilalim ng bagsak ng ulan at bagsik ng mga utos, muli silang maghaharap. Kakayanin ba nilang ibalik ang tiwala na minsan nang nawasak? O tuluyan na ba silang lalamunin ng sistemang binuo para gawin silang mga makina... at mga elite na kriminal?
"Sa bawat sulyap, may pag-amin. At sa bawat ngiti, may paghingi ng tawad sa mga bagay na takot nating panindigan."
All Rights Reserved