Sa mundong tila ba mas mabilis pang tumaas ang presyo ng bilihin kaysa sa sahod ng ordinaryong mamamayan, madaling mapuyat sa pag-aalala. Isang malaking sugal ang mangarap at mas malaking sugal ang magmahal.
Si Mirabella Janine Dela Cruz ay dalawampu't isang taong gulang na panganay sa anim na magkakapatid. Bagong graduate sa kolehiyo, pasan niya ang bigat ng pamilyang iniwan ng yumaong ama: mga kapatid na kailangang tustusan ang pag-aaral, at mga bayaring patuloy na naniningil. Upang maitaguyod sila, walang trabahong tinatanggihan si Janine mula sa paglilinis ng bahay ng ibang tao hanggang sa pagtanggap ng anumang raket, basta't may pambaon ang mga bata.
Ang tanging gabay niya ay ang lumang pangaral ng kaniyang ina: pumili ng taong maayos, maalaga, at mabait. Ngunit paano ka nga ba pipili kung ang reyalidad ng buhay ang mismong sumasakal sa iyong mga pangarap? Paano ka makikipagsabayan sa takbo ng mundo kung mulat ka na sa katotohanang hindi kayang pakainin ng purong pag-ibig ang kumakalam na sikmura?
Sa kaniyang unang sabak bilang guro sa Bininyagan Senior High School, magku-krus ang landas nila ni Mr. Alison Matthew Villanueva, sa paningin ng marami, siya ang matangkad at misteryosong food supplier ng paaralan na nagpapakilala ng libreng agahan para sa canteen. Ngunit sa likod ng kaniyang pormal na tindig at kakaibang pangalan, may nakatagong kwento si Alison, isang sariling nakaraan na nagtulak sa kaniya na protektahan ang mga batang katulad niya noon.
Sa pamamagitan ng isang simpleng sunflower, tila ba unti-unting binabago ng bawat isa ang kanilang mga buhay.
Ito ang kwento ng mga panganay na laging pumapangalawa. Ito ang kwento ng mga anak na sinusumbatan ng sariling pagkabuhay. Ito ang kwento nating lahat na sumibol sa lumang kasabihang sapat na ang pagmamahal, ngunit pilit na bumabangon sa reyalidad na... mahal magmahal.
Seluruh Hak Cipta Dilindungi Undang-Undang