Juan's World Is Juan Jeepney (istorya atbp. sa loob ng dyip) Maraming kuwento sa bayang ito. Ang ilan ay kathang isip, ang ilan ay katotohanan. Ngunit marami eh walang kabuluhan. Nagkakaroon lang ng kahulugan kung ang konteksto eh akademiko o ano may koneksyon sa bayan ni Juan. Madalas, nakukuha ang mga kuwentong buhay sa loob mismo ng dyip. Yaong ang taguri eh mga pihikan at may discriminate na panlasa at nagtataguyod sa mas malalalim na pagdulog sa panitikang hindi naman maiiwasang mag-evolve sa paglipas ng panahon na kinabibilangan ng mga dakila at mga premyadong makata, manunulat, kritiko at mga purista na klasiko ang pananaw sa pagpili sa mga pinakamagagandang obra, siyempre eh, nagtataguyod ng mga pinakamalilinis, pulido, mainam at dalisay na mga obra na karaniwang bumebenta sa mga pinakahenyo at sa mga may malalim na pang-unawa at panlasa sa kung ano ang dapat na tawaging panitikang Pilipino. At minsan ang mga mumunting salitaan gaya nito, na minsan ay humihiwalay sa kung ano ang kinagisnan, yaong sumusunod sa kung ano ang may koneksyon sa bituka at kiliti ni Juan ay inilalagay lamang sa isang pedestal na hindi dinadakila kundi tinatapakan upang lalo pang itaas ang ipinaglalabang kumbensyon sa pagbuo ng mga berso o diyalogo at istrukturang siyang nagbibigay ningning sa anila'y dapat na mabatid ng mga nangangarap maglaro ng mga titik sa anumang plataporma ng komunikasyong pasulat. Ito naman ay hindi ko tinututulan ni inaayunan. Ang sa akin lang ay mailahad ko ang mga larawan ng totoong buhay ni Juan gamit ang mga salitang buhay, malinaw at may puwersang bumubukas sa bintana ng kanyang kaluluwa upang mas maunawaan niya ang kanyang paligid, ang kanyang daigdig, ang kanyang pagkatao. Ito naman eh esensya ng tunay na kalayaan ng tao na maipahayag ang kanyang nakikita sa isang pamamaraang demokratiko ngunit hindi rin nawawala ang katangiang estitiko at siyempre, may konek sa buhay ng sandaang milyong Juan, gaya mo. Halika, sakay na sa dyip
4 parts