Noong Abril, dumating sa amin ang anim na malulusog na kuting. Nagkaanak kasi ang aming dalawang alagang pusa na sina Chariz at Lady Gaga. Silang anim ay pinangalanan naming - Stripes, Tiger, Orange, White, Shadow at Choco.
Sa anim, kay Choco nakatuon ang aming pansin. Ito ay hindi dahil na cute siya, kungdi dahil taglay niya ang lahat na "kakaiba".
Magkahalong itim at kayumanggi ang kanyang kulay. Puti naman sa ilalim ng kanyang bibig na minsan ay nakalabas pa ang maliit at pula niyang dila. At sa likuran naman ng kanang paa niya ay kayumanggi na nakakatawag pansin kung siya ay naglalakad.
Kakaiba rin ang kanyang ugali at kilos. Sa kanilang anim, siya ang hindi makapaghintay sa pagkain. Kaya siya lamang ang may lakas nang loob na pumasok sa aming screen na pinto at doo'y maupo habang tinatanaw ang Mama ko na naghahanda ng pagkain para sa kanila.
Si Choco din ay walang pakialam sa kanyang paligid. Wala siyang pakialam sa mga rumaragasang motorsiklo at sasakyan sa daan. Kahit sa aming sasakyan na nagsisimula nang umandar ay nananatili pa rin siyang nakaupo sa ilalim nito.
Kaya isang araw, habang nanonood kami ng telebisyon ay tumunog ang sasakyan ng aming kapit-bahay. Lumabas ang mama ko upang tsekin ang anim na kuting. Lahat sila ay dali-daling tumakbo pauwi ng bahay. Maliban lamang kay Choco. Natagpuan na lamang siya ng mama ko na nakahandusay sa may gilid ng daan. Napalabas ako sa malakas na sigaw ni Mama.
Agad kong dinampot ang maliit, umiiyak at kawawa kong si Choco. Napaiyak ako nang husto nang makita kong duguan ang munti niyang katawan, namimilipit sa iniindang sakit at halos hindi na makagalaw. Dahan-dahan ko siyang inilapag sa isang kahon ng sapatos habang pinagdadasal namin na sana'y hindi na siya mahihirapan pa kung siya'y hindi talaga para sa amin.