Sa isang iglap, maaring magbago ang lahat. Lahat ng masasayang ala-ala, bigla na lang nasadlak sa wala. Sinubukan kong kausapin sya. Ngunit hindi niya ito narinig dahil sa lakas ng hangin. Isang beses naman, ginusto kong yakapin siya. Ngunit hindi ko siya malapitan dahil sa sobrang lakas ng buga ng hangin. Oo. Ginusto ko talagang magtapat sa kanya. Pero sa tuwing sasabihin ko sa kanya ang aking tunay na nararamdaman, tila ba lagi na lang akong pinipigilan ng bulong ng hangin. Ipinapahiwatig ba nitong kahit kailan ay hindi maaaring maging kami? Pero hindi. Hindi maaari. Mahal ko talaga siya. At sa tuwing magtatapat ako, nahaharangan ako ng di-makawalang bugsong ito. Ang pag-ibig ko, hindi na maaari pa, sa kamay ng marahas na hangin.