Hindi lang naman siguro ako ang takot sa hindi pangkaraniwang nilalang sa mundong ibabaw. Oo, isa na rito ang multo. Iyong pakiramdam na parang may sumusunod sa iyo sa paglalakad habang binabagtas mo ang masikip at madilim na daan. Kapag nakaharap ka naman sa salamin ay parang may babae sa iyong likuran at gusto nitong ipasuklay ang mahaba at magulong kulay itim na buhok nito. Akala mo ay ayos na ang lahat kapag nakahiga ka na sa malambot mong kama, hindi pa pala. Para bang may katabi ka at pinagmamasdan ka habang nakapikit ang iyong mga mata. Ito iyong mga nakakakilabot na pangyayari na nagpapabilis sa pintig ng iyong puso. Lalong nadagdagan ang lahat ng takot sa aking dibdib nang makilala ko ang isang lalaki sa unang araw ng Nobyembre. Hindi dahil sa multo siya kundi dahil nangangamba at nag-aalala ang aking puso't isipan sa taong hindi kayang suklian ang pag-ibig na aking nararamdam.