"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kapag nahanap mo ako, ako naman ang taya." Nakakapanibago yata na sa pagkakataong iyon ay pumayag kang maging taya kung matataya kita. "Sige! Isa...dalawa...tatlo..." Nagbilang ako hanggang sampu sa likod ng puno ng ating paboritong palaruan. Noong una akala ko nasa paligid ka lang. Halos isang oras siguro akong naghanap sa 'yo, nakangiti pa ako noon. Mukha nga akong tanga habang naghahanap, pero noong naisip ko ang sinabi mo sa akin dati ay hindi ko na tinuloy ang paghahanap. "Bakit ba kasi tayo hanap ng hanap sa mga bagay na nagtatago? Kaya nga sila nagtatago...kasi ayaw nilang magpahanap," sabi mo. "Oo nga 'no? Kasi kung gusto nila magpahanap, magpapakita sila. Kahit gaano katagal 'di ba?" sagot ko naman. Ewan ko ba. Sa tuwing maaalala ko ang mga panahon na 'yon noong mga bata pa tayo, napapangiti na lang ako. Mga bata pa nga tayo noon, wala pang alam. Pero hindi na tayo bata ngayon. Hindi na siguro natin kailangang magtaguan...ng nararamdaman. Special thanks: Cover by: AFeelingWriter