"Tulong! Maawa kayo sa akin." Pagsusumamo ng isang dalagita habang umiiyak. Nakatali ang buong katawan nito sa isang malaking puno habang unti-unting nasusunog ang balat nito dahil sa nag-aalab na apoy na nakapaligid sa kanya. Sumigaw siyang muli upang humingi ng tulong. Nagbabakasakali siyang may taong dadating upang saklolohan siya ngunit wala siyang namataan ni-anino. Ito na marahil ang katapusan niya. Wala nang ibang nagawa ang dalagita kundi ang umiyak, sumigaw, at indahin ang sakit na nararamdaman. Gusto na niyang mamatay agad nang matapos na ang kanyang paghihirap. Hindi niya kayang sikmurain na kayang gawin ito sa kanya ng mga kaklase. Lalo na ng taong lubos niyang pinagkatiwaalaan at minahal. Pumikit siya at hiniling na sana panaginip na lang ang lahat ng ito ngunit nabigo siya nang ibuka niya ulit ang mga mata. Nasa realidad siya. Damang-dama pa rin niya ang sakit at hapdi mula sa mga natamong paso sa balat dulot ng sunog. Nanghihina na siya at alam niyang malapit na siyang lagutan ng hininga ngunit bago pa man iyon mangyari ay sumigaw siya sa abot ng kanyang makakaya. Puno ito ng galit at poot. "ISINUSUMPA KO! BABALIKAN KO KAYONG LAHAT. BABALIK SI VIVIAN UPANG IPAGHIGANTI ANG KANYANG KAMATAYAN! IPAPALASAP KO SA INYO ANG KAMATAYANG NI MINSAN AY HINDI NIYO PINANGARAP! IPAPARAMDAM KO SA INYO ANG IMPYERNO!" Matapos ang nakakakilabot na pahayag na iyon ay tumawa lang ang dalagita na tila nababaliw. Tumawa lang ito ng tumawa hanggang sa tuluyan na itong kapusin ng hininga at bawian ng buhay.
1 part