Kung mahal mo, dapat ay ipaglaban mo. Kapag sinabi sa'yong hindi ka mahal, puwedeng gawin mo ang lahat para maging pareho ang nararamdaman n'yo o sumuko ka na at mag-move on na lang. PEOPLE come and go. Iyon ang naitatak ni Lia sa utak niya. Para sa kanya, walang permanente sa mundo, lahat ay dumarating at umaalis sa buhay ng mga tao. Kaya nga wala siyang pakialam kahit na wala siyang madaming kaibigan, dahil naniniwala siyang dadating at dadating ang totoong kaibigan na hindi mangi-iwan sa kanya kahit na ano ang mangyari. Kaya nga sapat na sa kanya ang matalik niyang kaibigan. Until Omid Ahmadi came. Isa itong football player na kalilipat lang sa Pilipinas matapos ma-expire ang kontrata sa ibang bansa. Ginulo nito ang nananahimik na mundo niya. Pinilit niyang pigilan ang nararamdaman niya para sa binata kaya nga tinanggap niya ang pakikipag-kaibigang inaalok nito. Para may boundary ang kung ano man ang mayroon sila. Kaya lang ay na-in love naman siya dito. Sa unang pagkakataon ay ninais niya na huwag mawala sa buhay niya ang isang tao. Na huwag sana itong basta na lang dumating sa buhay niya para lang umalis sa huli. At sa unang pagkakataon ay lihim siyang nanalangin na sana... maawa ang Diyos sa kanya at magkaroon ng himala na mahalin din siya nito. Pero mukhang mailap yata talaga si Kupido sa kanya. Dahil ang kaisa-isang lalaking natutunan niyang mahalin ay may keychain na pala. Mukhang magiging forever alone na lang siya. Friendzoned tuloy ang drama niya! Magiging maligaya pa kaya siya o maku-kuntento na lang siyang maging kaibigan ang lalaking mahal niya?