Naaalala ko pa ang lahat na parang kahapon lamang. Nang una tayong magkita, ang iyong balat na mamula-mula dahil sa pagkakababad sa sikat ng araw. At ang aking noo na tagaktak na ang pawis sa init ng panahon. Nakabilad tayo sa itaas ng isang gusali, kasama ang ilan pang tao na estranghero rin sa isa't-isa. Nagsama-sama tayo sa iisang hangarin sa araw na iyon. Nagbuklod buklod sa iisang paniniwala. At nang sumapit na ang ganap na alas-tres ng gitnang katanghalian, ay nagkapit kamay tayong 'mga napili' para sa iisang kahilingan. Pabilog ay magkakaharap tayong nagbigkas, nang isang di pamilyar na wika. Isang dasal na wala pang isang oras bago natin isina-isip. Na kahit ako sa sandaling iyun ay nabibigla sa bilis ng mga pangyayari. Hindi ako dati mapaniwalain sa mga pamahiin lalo na sa mga bagay na paranormal. Para sa akin ang mga iyon ay pawang kalokohan lamang. Subalit nagbago ang lahat nang malaman ko ang aking kalagayan, ang aking karamdaman, ang nalalapit kong kamatayan. Marahil dahil sa nalaman kong wala na akong pag-asang magamot, kaya kumapit na lang din ako sa bagay na matatawag na milagro...