Okay lang masabihan na masama ako dahil masyado akong mapanghusga sa tao. Wala din akong pakialam kahit malapit na akong mawala sa kalendaryo. Ayoko lang talaga pumasok sa relasyon na alam kong walang patutunguhan at maghihirap lang ako. Hindi ako hopeless romantic. Naniniwala ako na hindi sapat ang pagmamahal lang para mabuhay. Gusto ko magpakapraktikal. Ayoko ng madramang buhay. Tingin ko nga walang silbi ang buhay ko tapos tatanggap pa ako ng taong isa pang walang silbi. Ano na lang ang mangyayari sa amin n'yan? Siguro nga jinx ako dahil lapitin ako ng mga lalaking walang pangarap sa buhay o kaya siraulo. 'Yun tipong kung anong ayaw ko sa lalaki, 'yun ang dumadating. Sabi ng mga kaibigan ko, ang taas daw ng standard ko. Siguro nga 'yun ang sa tingin nila. Pero simple lang ang gusto ko. Maging matiwasay lang ang buhay ko. Nasanay ako na kahit hindi naman kami masyadong mayaman ay nakukuha ko ang halos lahat ng gusto ko. Ayokong mapahiya din sa pamilya ko na mapupunta lang ako sa taong wala pang napapatunayan sa pagkatao niya. Okay na akong mag-isa kaysa pumasok sa relasyon sa isang tao na wala naman pangarap sa buhay. 'Yan ang paninindigan ko at ganyan ang pagkakakilala sa akin ng mga nakakakilala sa akin. Pero hindi nila alam, umiiyak ang puso ko. Nasasaktan ako dahil natatakot ako sa ugaling kinasanayan ko. Natatakot ako mabuhay mag-isa. Natatakot ako na hindi na ako magkakaasawa. Dahil hinahadlangan ko ang mga taong nagtatangkang pumasok sa buhay ko. Ako nga pala si Zoey. 28. Semi-introvert. Jobless. Loveless. Worthless. Jinx.