Mga mata ng isang babae. Makikita mo ang pagka inosente ngunit puno ng pagmamahal ang mga matang iyon. Mga mata ng isang lalake. Makikita mo ang saya rito pero mapapansin mo rin ang bahid ng lungkot sa mga matang iyon. Inilahad ng babae ang kanyang kanang kamay upang hawakan ang pisngi ng lalake na siyang hinawakan naman ng lalake at dinala sa kanyang mukha. Ang isa namang kamay ng lalake ay nakahawak sa bewang ng babae na siyang hinila niya pa para mas mapalapit ang babae. Damang dama ng lalake ang natural na lamig ng kamay ng babae sa kanyang pisngi. Hindi niya mapigilang maluha at yakapin nang tuluyan ang babaeng pinakamamahal niya. Mahigpit niya itong yinakap at pinunasan ang mga luhang naguunahang bumagsak. Pinipilit niyang huwag itong tuluyang bumagsak dahil alam niyang kapag umagos na ito ay hindi niya na mapipigilan ang mga iyon. Narinig ng lalake ang mahinang tawa ng babae na tila masayang-masaya. Hinahagod nito ang likod niya at tinatapik tapik. Napatingin na lamang siya sa itaas at nakita ang nagniningning na mga bituin sa langit na siyang saksi kung gaano kamemorable ang araw na iyon para sa kanilang dalawa.