Pensylovellaa
Sinong nagsabing first love never dies?
Para kay Yviona Kierra Chuwa, hindi lang basta alaala ang first love niya-ito ang taong pinaniwalaan niyang makakasama niya hanggang dulo. Kaya nang bigla siyang iwan nito nang walang maayos na dahilan, pinili niyang manatili at maghintay. Araw-araw, buwan-buwan, sa harap ng bahay ng taong minamahal niya, umaasa siyang isang araw ay babalik ito.
Hanggang sa isang maulang gabi, habang umiiyak siya sa hagdan at unti-unting nauubos ang pag-asa niya, isang payong ang sumilong sa kaniya.
At ang may hawak nito?
Si Kiruzen Kyle Cerujano-ang lalaking hinding-hindi niya inaasahang magiging bahagi ng buhay niya.
Kilala niya si Kyle bilang isang taong kinaiinisan niya. Walang preno itong magsalita, mapang-asar, at higit sa lahat, paulit-ulit nitong sinasabing hindi na babalik ang hinihintay niya. Ngunit sa halip na makinig, mas lalo lamang kumapit si Kierra sa pag-asang darating ang first love niya.
Hanggang sa isang sandali, gumawa si Kyle ng bagay na tuluyang gumulo sa puso niyang matagal nang nakakulong sa nakaraan.
Isang halik.
Isang halik na hindi niya inaasahan at isang alaala na hindi niya basta mabubura.
Mula noon, sinubukan ni Kierra na lumayo. Ngunit habang pilit niyang tinatakasan ang binatang gumulo sa sistema ng puso niya, mas lalo naman siyang napapalapit dito.
Unti-unti niyang napagtanto na baka hindi pala ang first love ang pinakamahirap kalimutan.
Baka mas mahirap kalimutan ang taong dumating nang hindi niya hinihingi, nanatili nang hindi niya inaasahan, at unti-unting nagpatibok ng pusong akala niya ay para lamang sa isang tao.
Ngayon, kailangan niyang pumili.
Mananatili ba siyang naghihintay sa isang pag-ibig na iniwan siya? O isasara na niya ang lumang kabanata at sisimulan ang bagong istoryang nabubuo kasama ang lalaking minsan niyang kinaiinisan ngunit ngayon ay unti-unti nang gumugulo sa puso niya?