Biglang naalimpungatan si Jane sa pagkakahimbing. Maaga pa para bumangon kaya nanitili lang siyang nakahiga. Tumingin siya sa bukas na aparador sa gilid niya at nakita ang prom dress na binili niya noong nakaraang linggo.
Walang pasok ngayon pero sobrang excited ni Jane para sa darating na prom. Kaya nga kahit walang alarm, automatic na nagising ang diwa niya. Iniisip na niya ang mga kaklase niyang nangontrata para sayawin siya. Andoon din si Gavin, ang crush na crush niya, na nagtanong kung pwede ba siyang isayaw.
Maganda si Jane kaya naman hindi na rin nakakapagtakang maraming gusto siyang isayaw. Maganda siya, lalo kapag nalagyan ng kolorete ang mukha. Balingkinitan ang katawan at kaakit-akit sa edad na 16.
Iniisip na niya kung anong bagay na makeup sa damit niya. Ano rin kayang magandang sapatos ang ipareha sa bestida niya?
Sapatos.
Doon napatigil sa pagpapatansya si Jane. Oo nga pala, hindi na siya pwedeng magsuot ng may takong. Kahit nga flats or tsinelas, hindi na rin ubra.
"Oo nga pala."
Tinanggal ni Jane ang kayang kumot at doon tumambad sa kanya ang dalawang stump kung saan nandoon dati ang mga binti niya. Nakabalot pa ng bandage ang mga ito. Sarkastiko siyang napangiti, pagak na tumawa, at nagsimulang tumulo ang luha.
Nagsimula na naman ang matindi niyang pag-iisip. Kung hindi sana siya pumunta sa mall noong araw na iyon. Kung hindi sana naging matigas ang ulo niya at sumunod na lang sa Mama niya na sabay na silang bumili ng damit niya para sa prom. Kung hindi lang sana siya nagpahila sa mga kaklase niya.
Kung hindi sana siya bumaba sa maling babaan ng jeep.
Kung hindi sana tatanga-tanga ang driver na nasa likod ng jeep na binabaan niya.
Hindi sana siya masasagasaan at maiipit ang mga paa sa gulong. Masyadong napuruhan, kailangan nang putulin.
Kinuyom ni Jane ang mga kamay sa gilid niya. Ibinalibag niya ang kumot at mga unan. Desperado siyang umiiyak. Sinubukan niyang tumayo pero dahil wala ang mga paa niya bilang panimbang, kumalabog ang katawan niya sa sahig.
Nakasubsob siya sa malamig na semento at patuloy na umiiyak. Sinuntok niya nang sinuntok ang semento hanggang sa nagdugo ang kanyang mga kamao. Nakita niya ang malaking gunting na nasa bedside table niya at kinuha ito.
Tiningnan lang niya nang maigi ang matatalas na blade. Tiningnan niya lang.
At tiningnan.
At tiningnan.
At muli niyang ibinalik ito sa drawer, sa kasuluksulukang bahagi ng drawer niya para hindi na niya makita.
Patuloy lamang siya na umiyak nang umiyak. Puno ng awa sa sarili pero wala nang magawa.
Dahil alam niya sa mga panahong ito, literal na hindi na siya makatayo sa sarili niyang mga paa.
Pero kailangan niyang subukan. Inalalayan niya ang kanyang sarili, kumapit sa poste ng kanyang higaan. Kinuha ang mga saklay at nagsimulang lakbayin ang maikling distansya mula sa kama papunta sa pintuan.
Hinawakan niya ang doorknob at inikot ito. Pagkabukas ng pintuan, sinalubong siya ng umaga. Unti unti siyang ngumiti kahit may mga luha pa sa pisngi.
Unti-unti, iniwan niya ang dilim ng kanyang kwarto, at humakbang papunta sa liwanag.
BINABASA MO ANG
Sapatos (One Shot)
Short StoryExcited si Jane sa darating na prom. Pero may naalala siya. Hindi na nga pala pwede. Short Story. *Cover photo from Unsplash