"CONGRATULATIONS! Mariel, Benedict!" bukal sa loob na bati ni Frederick sa mga bagong-kasal.
Hantarang siniko ni Roselle ang binata. "Hus! Kunwari pa. Hurting inside naman," buska niya.
Hindi siya pinansin ng binata at nakihalubilo na ito sa iba pang abay.
Sumapit ang picture taking. Natural na katabi ni Roselle ang bride dahil siya ang matron of honor. At kung kailan naka-fix na ang pinagpraktisan niyang pang-million-dollar smile ay saka umentra si Frederick na katabi naman ng groom.
"Dapat, Roselle, sa harap ka. Matangkad ka lang naman ng one inch sa flower girl nina Benedict. Hindi ba't ikaw ang partner kanina ng ring bearer?" Dumukwang pa ito para kantiyawan siya.
Stolen shot nang pagbubungisngisan nila ang nakunan ng video man at photographer.
Muli niyang ibinalik ang composure ng sarili pagkaraan at saka inismartehan ang pagngiti. Itinatak sa isip na hindi siya bibili ng four-inch high-heeled satin shoes para lang kantiyawan ni Frederick.
Hawig sila ng suot ni Mariel. Bagama't natural na mas elegante at mas bongga ang gown ng bride. Fully beaded ang kay Mariel at may rhinestones samantalang ang sa kanya ay mula lamang neckline hanggang breast area ang design. Pina-design niya sa couturier na half-calves ang gawing haba ng kanyang gown dahil alam niyang kapos siya sa height.
Hindi rin naman matangkad si Mariel kung tutuusin pero hamak na mas maliit siya. Pero hindi iyon nakabawas sa tiwala ni Roselle sa sarili. Height lang marahil ang kakulangan niya. Buo ang loob niya at kung sa ganda at talino ay hindi rin naman siya pahuhuli.
"NAG-IILUSYON ka ba o nagre-reminisce?" buska ni Frederick kay Roselle nang mapansin siya nitong nakatitig sa bouquet.
Pauwi na sila galing sa kasalan nina Mariel at Benedict. At dahil sila ang magkasamang pumunta sa Santa Maria ay natural na doon na rin siya sumakay sa sasakyan ni Frederick.
"Inggit ka lang!" irap niya sa kaibigan. "Dahil ako, kahit ikinasal na't lahat, nakasalo pa rin ng bridal bouquet, samantalang ikaw, tumatanda nang binata pero parang may isip ang garter na huwag mapunta sa mga kamay mo."
"Hindi ako nag-aapurang magpakasal, ale." Sinulyapan ni Frederick si Roselle.
"Hindi rin naman ako nangangarap na ikasal na muli," seryoso niyang sagot.
"Sana hindi mo na lang kinuha kay Mariel iyang bouquet niya. Para kasama sa mga itatago niyang souvenir ng kasal niya."
"Maipe-preserve ba niya ito, eh, puro fresh white roses ito?" Bahagya pa niyang itinaas ang nasa kamay pa ring bouquet.
"De ganoon ka rin. Aanhin mo iyan?"
"Ngayon lang kita nakitang napikon at iyon ay dahil sa bouquet ni Mariel. At bilib ako sa tibay ng dibdib mo, kaibigan. Nag-best man ka pa sa kanila samantalang pinopormahan mo noon si Mariel."
"Sport kasi ako kaya ganoon."
"No hard feelings?" Nang-aarok ang tinig niya.
"Nope. Hindi naman kami naging mag-on," maluwag sa loob na sagot ng binata. "Nagulat lang ako siyempre dahil wala akong kamalay-malay na sila pala ni Benedict."
"Don't you feel jilted?" nanggagatong na tanong ni Roselle.
"That's absurd. Teka nga, bakit mukha ka na namang nasusian diyan?"
"Curious lang ako sa iyo," nagkibit-balikat na sabi ni Roselle.
"Curious? Kung ako kaya naman ang ma-curious sa iyo," ganti ni Frederick.
"Wala nang nakaka-curious sa akin. Open book nga ang buhay naming mag-ina sa iyo, eh," ani Roselle na sa wakas ay nangawit na sa kahahawak sa bouquet at inilagay iyon sa backseat.
"Kabababang-luksa mo lang kay June, 'di ba?" seryosong tanong ni Frederick. "Mahirap bang maging single parent?"
Ipinako niya ang tingin sa binata kahit na ang atensiyon nito ay nasa pagmamaneho.
"Mahirap din. Pero dapat kayanin ko."
"Lalaki pa naman ang naging anak ninyo. Paglaki-laki niyan, mas mahirap nang disiplinahin. Siyempre, maghahanap si Juniel ng father image."
"Kaya nga ngayon pa lang, sinasanay ko na ang sarili kong nanay na, tatay pa." Hinagod niya ang ulo ng anak na tulog na tulog sa kanyang kandungan.
"Ako ba, papasang father image kay Juniel?" Sinulyapan siya ng binata.
Tinawanan lang ni Roselle ang kaibigan. "Sabi mo kanina hindi ka nag-aapurang magpakasal, 'tapos ngayon nag-a-apply kang maging father image ni Juniel. Ano'ng gagawin mo sa anak ko, hands-on training?"
"Sira ka talaga, Roselle. Hindi ka ba natutuwa? Sa halip na mag-screen ka ng mga bagong manliligaw, meron ka na kaagad at nasa tabi mo lang. Hindi mo ba naiisip na kung ako ang pipiliin mo, sigurado kang may matatakbuhan, rain or shine?"
"Puwedeng utangan?" buska ni Roselle sa kaseryosohan nito.
"Gusto mo, sa iyo ko ientrega ang ATM ng sahod ko?"
--- i t u t u l o y ---
*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Sometimes You Just Know - Volume 1
RomanceDon't ask me that way na para bang kahit ako na ang kahuli-hulihang lalaki sa mundo ay hindi mo maaatim na pakasalan. Hindi sila magkasintahan ni Benedict pero nagpakasal sila dahil sa manipulasyon ng kanyang ama. Ayaw ni Mariel na isipin ni Benedic...