Dominating Hue: Novaliches' Case

23 16 0
                                    

Isang mainit na araw ng Abril sa taong kasalukuyan. Sa ilalim ng isang malaking puno kung saan rinig ang mga kaluskos ng dahong sumasabay sa ihip ng hangin, makikita si Lola Dolly kasama ang kaniyang dalawang makukulit na alaga na nakaupo sa damuhan.

Hawak ng animnapu't tatlong taong gulang na mayordoma ang isang kwadernong kulay kayumanggi na nabalot na ng kalumaan dahil sa tupi-tupi nitong itsura habang nakaupo sa isang tumba-tumba at marahang isinusuot ang kaniyang antipara.

"Handa na ba kayong makinig ng kwento mga bata?" pagtatanong ng matanda na may galak sa kaniyang tono.

"Opo naman Nanay. Kanina pa po kami excited ni Kyle," turan ni Kyron at tinignan ang kaniyang kakambal.

"Ano po ang pamagat?" tanong naman ngayon ni Kyle.

Napangiti ang matanda nang maramdaman ang kasabikan ng dalawa sa kaniyang ikwe-kwento. Idinako na niya ang kaniyang tingin sa pabalat ng kwaderno at binasa ang pamagat nito.

"Ang pamagat ng kwento ay 'Dominating Hue'. Tungkol ito sa isang babaeng manunulat na maraming pinagdaanang pagsubok sa kaniyang buhay. Makinig kayong mabuti dahil marami kayong aral na mapupulot mula rito." Napakunot ng noo ang magkakapatid at napatingin sa isa't isa matapos marinig ang pamagat ng kwento. Nagkibit balikat na lang ang mga ito at ibinaling ang kanilang mga tingin sa kanilang nanay-nanayan na nagsimula ng mag-kwento. "Noong unang panahon..."

▪ ▪ ▪

Noong taong 1982, sa isang mayamang bayan ng Prosperidad, sa hilagang bahagi ng Luzon makikilala ang isang binibining nagngangalang- Dahlia. Isang simpleng babae kung maituturing ito, mahaba at makintab ang kaniyang buhok, may katangkaran ang kaniyang tangkad, morena ang kaniyang kutis, para itong isang klasikong dalagang pilipina kung ilalarawan. Namumuhay ng payak ngunit mayaman sa pagmamahal ng kaniyang mga magulang. Bagama't mahirap lamang sila ay nagpupursigi pa rin si Dahlia na magkaroon ng sapat na ipon na kaniyang ipantustos sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

"Anak Dahlia, pumunta ka na rito upang makakain na tayo, kailangan namin ng tulong mo mamaya sa bukid nina Berting, kulang na kulang sila sa mga tao ngayon," wika ni Aling Selda sa kaniyang anak na hindi mawala ang kaniyang tingin sa pahayagang kaniyang hawak. Abala ngayon ang ginang sa paghahain ng kanilang tanghalian. Mapapansin ang mga namumuting mga hibla ng buhok ni Aling Selda at kumukulubot na balat, hindi maitatangging tumatanda na ito. May katabaan ito at kinulang sa tangkad.

"Tapusin ko lang basahin itong isang balita Nay." Sakto naman ang pagpasok ni Mang Fidel, ang ama ni Dahlia at asawa ni Selda. Hinubad niya ang kaniyang botas sa bukana ng kanilang bahay kubo at gawa sa nipa nitong talabal sa ulo. May katangkaran si Fidel, matangos ang kaniyang ilong, napapanot na ulo, at payat na pangangatawan kung ilalarawan ang ginoo.

Hindi nagpansinan ang mag-ama nang magtugma ang kanilang mga tingin, dumiretso lamang si Fidel sa kanilang kusina at umupo sa harapan ng mesang patapos ng lagyan ng pagkain ni Selda.

"Sinasabi ko na sa'yo Dahlia, huwag ka ng magpantasyang makakatuntong ka sa kolehiyo at makakapag-aral ng gusto mong kurso dahil magsasayang ka lang ng sentimo. Dapat ang asikasuhin mo ngayon ang pag-aasawa mo, bente kwatro ka na Dahlia, saka hindi mo kailangan 'yang mga 'yan dahil hindi naman nila ituturo sa'yo kung paano maging isang mabuting asawa. Isa pa, walang naniniwala sa mga babaeng manunulat, mga chismosa ang mga 'yon." Tila na-istatwa sa kaniyang kinauupuan si Dahlia, gusto niyang sagutin ang kaniyang ama dahil sa pangma-maliit nito sa kaniya ngunit nanaig pa rin ang respeto sa kaniyang katawan.

Itinupi na ni Dahlia ang pahayagan at nagtungo sa hapagkainan. Abala ang magpapamilya ngayon sa kanilang pagkain.

"Pagkatapos natin mamaya sa bukid, magpupunta rin tayo sa plaza mamayang alis-sais ng gabi, darating mamaya sina Don. Novaliches upang mamahagi ng mga ayuda sa ating mga mahihirap," wika ni Fidel. Tumayo na ito at naghugas ng kaniyang mga kamay at lumisan sa kanilang bahay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 09, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dominating Hue: Novaliches' Case (ONE SHOT)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon