Buwayang Aswang

354 5 0
                                    

Mga Pangil sa Sitio Pulang Lupa


"Taba! Nasan ka na?" Hinahanap ng batang Domingo ang kanyang alagang baboy ramo sa isang masukal na tabing lawa. Ngunit sa kanyang paghahanap ay natuklasan nya ang kasagutan sa tanong ng mga tao sa kanilang bayan.

Ang haka-haka nilang aswang na sunud-sunod na bumiktima ng mga tao ay isa pa lang nilalang sa lawa. Nagsisigaw ang bata nang makita nyang umikot-ikot ang katawan ng malaking buwaya habang kagat-kagat ng matatalim na pangil ang nagpupumiglas na katawan ng mangingisdang si Ador at dinala ang kawawang biktima sa kailaliman ng lawa.

"Lolo Hidalgo! Si Mang Ador kinain ng buwaya! Tulong!" Sigaw ng batang si Domingo. Nang marinig ito ng matanda ay kumapit ito sa kanyang bastong kahoy at tumayo ang kanyang mahinang pangangatawan.

"Kawawa naman si tandang Hidalgo, sino na ngayon ang mag-aalaga sa kanya?" Nag-aalalang tanong ng mga tao. Wala nang ibang kamag-anak ang matanda dahil bagong salta lamang ang mag-amang Ador at Hidalgo sa kanilang lugar galing sa ibang bayan.

Ang dating bayan na binalot ng takot, ngayon ay may pag-asa nang mapuksa ang salarin! Ang akala nilang aswang na umaaligid sa gabi ay isa pa lang buwaya sa kanilang lawa. Nag-usap-usap ang mga kalalakihan sa pamumuno ng tatay ng batang si Domingo na si Mang Ramon, na kung paano nila madadakip ang halimaw na ito.

Kinaumagahan, "Tay, nagbalik na si Taba!" Sabi ni Domingo. "Sinong Taba?" Tanong ng tatay habang hinahasa ang kanyang itak. "Yung alaga kong baboy ramo. Dalawang linggo ko na syang inaalagaan, galing sya sa itaas ng bundok." Sagot ng bata.

Yakap ng bata ang baboy at dinala nya ito loob ng bahay. Lumapit ang baboy sa kanyang nanay at nagpa-amo na parang aso "Ang amo naman ang alaga mo" Sabi ng nagdadalang taong nanay ngunit sa isip nya'y kakatayin ito pagdating ng kaarawan ng anak at muling nagsalita "Wag mo nang pakawalan ang alaga mo, baka makain pa ng buwaya."

Nang silipin ni Ramon ang sinasabi ng bata ay galak na galak rin sya sa dahilang napakalaki na pala ng kanyang alaga. "Tamang-tama, pang-handa! Malapit na ang kaarawan mo!" Sabi ng tatay. Hindi nagustuhan ni Domingo ang sambit ng kanyang ama dahil napamahal na sya sa kanyang alaga.

Kinagabihan ay malamig ang simoy ng hangin, bawat tahanan ay sarado na ang mga pinto at patay na ang mga gaserang ilaw. Nagsimulang maglakad ang mga kalalakihan bitbit ang kani-kanilang armas na sibat at itak dahil ngayong gabi ay susugpuin nila ang malaking buwaya.

Pagkarating nila malapit sa bakawan ng lawa ay tanaw nila ang liwanag ng blawa buwan na sumisinag sa tahimik na agos ng tubig. "Kakampi natin ang gabi!" Bulong ni Mang Ramon sa ibang kasamahan at nagsimulang maghagis ng madugong karne sa pampang ng lawa.

Kumapit ang simoy ng dugo sa hangin. Bawat hagis ng madugong karne ay gumagawa ng mumunting alon at ingay sa tubig. Tahimik na nagmatyag ang mga kalalakihan sa paligid at maya-maya pa'y natanaw nila ang isang malaking ulo ng buwaya na sumilip at muling lumubog sa tubig papalapit sa karne.

Mahigpit na hinawakan ni Ramon ang kanyang itak at ang bawat kalalakihan ay pumusisyon sa pag-atake sa paparating na buwaya. Lahat ay alerto. Ilang minuto pa ang lumipas ay walang halimaw na dumating. Palaka at kulisap lamang ang kanilang naririnig.

Ilang oras pa ang dumaan ay napalitan ng antok ang kanilang pagka-inip. Nang biglang nagising ang lahat sa sigaw ng isa nilang kasamahan. Nakita nila itong nag-aalpas ang katawan habang kagat ng malaking buwaya ang binti ng lalaki.

Sumugod ang lahat sa higanteng buwaya, pinagtataga ng itak at pinagtutusok ng sibat ang ulo ng hayop. Sadyang malakas ang matandang buwayang ito, pilit nyang hinahatak ang kagat nyang tao.

Ngunit hindi huminto ang mga lalaki sa pagsugpo! Hanggang sa nagsigawan at nagtatalon sila sa tuwa, hawak-hawak sa itaas ang kanilang dalang itak at sibat dahil napaslang nila ang pangil na kumitil sa buhay ng kanilang mga kababayan.

Sumikat ang araw at lahat sila ay nagwagi! Inalalayan nila ang kanilang biktimang kasamahan. Tinali at binitbit ang malaking buwaya papauwi upang ipakita sa madla ang kanilang nahuling salarin. Maginhawa silang sinalubong ng kanilang mga asawa't anak dahil wala nang mabibiktima pang muli.

Itinaas ni Ramon ang dala nyang itak sa tabi ng buwaya habang lahat ay nanonood. Hiniwa ang tiyan ng halimaw at tumambad sa kanila ang parte ng mga katawan ng tao at mga damit na kanilang suot. Halong tuwa at iyak ang nadarama ng bawa't isa.

Tumingin si Ramon sa kanyang anak na si Domingo. "Anak! Magdidiwang tayo!" Ani ng kanyang tatay. Natulala ang bata dahil alam nya ang pahiwatig ng tatay. Sumenyas si Ramon sa mga kalalakihan at pinapunta sa likod ng kanilang bahay. Kakatayin nila si Taba na alagang baboy ramo ni Domingo.

Nagsimulang umiyak ang bata dahil mahal nya ang kanyang alaga. Nilabas ni Ramon ang kanyang matalim na itak at tumakbo ang malaking baboy ramo! Hinabol nila ito hanggang sa mapadpad sila sa kasuluk-sulukan ng lawa.

"Tay! Napamahal na ako kay Taba! Wag nyo po syang katayin! Mahal na rin ako ni Taba!" Nagmakaawa ang bata sa kanyang ama. Habang ang ibang kababaihan naman ay sumunod sa lawa upang manood sa pagkatay.

Lahat ay sang-ayon na magsilbing pagkain ang baboy ramo para sa kanilang selebrasyon. Apat na lalaki ang lumapit kasama si Ramon upang hulihin ang baboy, nang biglang gumawa ng nakakabinging hiyaw ang malaking hayop!

Ang mga mata nito'y nanlilisik at nagsimulang manuwag. Napa-atras ang mga kababaihan. Nabigla ang lahat sa kakaibang kilos ng hayop. Dahan-dahan nilang nasaksihan ang pag-iibang anyo ng baboy ramo.

Humaba ang leeg, nagkaroon ng mga braso at binti at tinubuan ng pakpak sa likuran. Si Lolo Hidalgo ay isang aswang! Napipi ang batang Domingo nang makita nya ito at nagtakbuhan ang mga babae pauwi sa kani-kanilang bahay.

Muling humigpit ang hawak ng mga kalalakihan sa kanilang dalang itak at sibat na parang mga mandirigma. Nilabas ng aswang ang kanyang matatalim na kuko sa kamay at kinalmot ang hangin sa kanilang harapan. Pumagaspas ang pakpak nito na pumuwing sa mata ng mga tao.

Ngunit hindi umatraas ang mga kalalakihan at sabay-sabay silang sumugod ng buong tapang. Di nagtagal ay lumipad paitaas ang aswang na si Lolo Hidalgo na hindi nila alam kung saan pupunta.

Ang bagong saltang mag-amang Ador at Hidalgo ay sya palang aswang na bumibiktima sa kanilang bayan. Sa tuwing sila'y may bagong biktima ay dinadala nila ang katawan sa tabing lawa at doon kinakain ang laman loob.

Ang mga tira-tira nilang laman ng tao ay iniiwan na lamang ng mag-amang aswang sa tabi ng pampang ng lawa at ito ang mga nakakain ng malaking buwaya.

Nang umagang nilalapa ni Ador ang kanyang biktima sa tabi ng lawa ay di nya namalayan na naka-abang ang buwaya at sinunggaban syang nakatalikod. Ito ang nasaksihan ng batang Domingo.

Niyakap ni Ramon ang kanyang mag-ina at napag-isip-isip na kung kaya't maamo ang baboy ramong ito dahil sila na pala ang susunod na bibiktimahin, lalo na't buntis ang kanyang misis.

Sa 'di malamang dahilan ay wala na silang namataang buwaya at ang batang Domingo ay nag-alaga na lamang ng mga hito sa lawa. Mula noon ay hindi na tumanggap ng mga bisita ang bayan ng Sitio Pulang Lupa.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 04, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Buwayang AswangWhere stories live. Discover now