Gusto Mo Na Bang Mamatay?

287 0 0
                                    

Malapit na naman pala ang Todos Los Santos o Undas ba? Eh kasi ang todos los santos, pang mga santo daw yun, pano nga naman kung kriminal yung namatay? Ah basta araw ng patay. Masarap samin sa probinsya kapag araw ng mga patay, kasi palaging nagluluto ang lola ko pati na rin ang mga tiyahin ko doon sa amin sa bicol. Mayroong mga kakanin, pancit, puto, inihaw na seafoods at marami pang iba.

Naiisip ko minsan na dapat na rin sigurong palitan ang salitang Araw ng mga Patay, eh kasi naman kung kelan araw ng mga dedbol, eh saka naman buhay na buhay na nagpipyesta ang mga dumadalaw sa sementeryo. Nariyan ang sugal, alak, at saka dun sa amin nga sa probinsya may videoke pa! Ang daming mga pakulo ng mga iba't-ibang fastfoods sa loob ng sementeryo kapag ganitong araw. Sayang nga naman ang kikitain lalo na sa dami ng mga tao sa sementeryo. Napansin ko lang, walang doong nagtitinda ng bulalo, isaw at dinuguan.

Undas sa ating mga pilipino, Day of the Dead sa mga amerikano, Ghost Festival sa mga buddhist at Qingming Festival naman sa mga chinese. Nakuha daw natin sa mga tsino ang kinaugaliang pagbisita sa mga sementeryo tuwing November 1. Bigay pagalala daw ito para sa mga mahal natin sa buhay at kung hindi ka naman makakapunta maari ka na lang magtirik ng kandila sa tapat ng bahay niyo. Natatawa ako sa sarili ko nung bata pa ako kapag panahon ng undas, dahil kahit takot na takot ako, nanonood pa rin ako ng Halloween special ng Magandang Gabi Bayan hosted by Noli De Castro. Astig nung mga panahon na yun, kahit sabihin mong tinadtad lang ng pulbos ang mga multo at aswang, nakakatakot pa rin. Maaga na akong naglilinis ng katawan nun at jumejerbaks bago manood ng Magandang Gabi Bayan, siyempre mahirap na! Eh pano kung sa hatinggabi at dun pa ako makaramdam ng nagpupumiglas na demonyo sa tiyan ko? Nakupo! Naiimagine ko palagi na may kamay na susundot sa puwet ko galing sa butas ng bowl! Nyeeee!!! Sigurado akong nakakarelate din kayo sa akin lalo na kung 80's kayo pinanganak. Sino nga kaya ang nagpauso ng multo? At bakit walang Higanteng dwende, White Lading nakaitim at Pugot na Paring nandudura?

Ano nga ba ang kamatayan para sa atin? Bakit tayo natatakot eh kung lahat naman mamamatay? Nakakatakot nga kaya talaga ang kamatayan? Bakit may mga gustong mamatay pero hindi mamataymatay? Yun namang gustong mabuhay yun pa ang maagang namamatay?

I. THE WARDROBE

Apat lang daw ang dahilan ng pagkamatay ng isang tao, ito ay ang Predation, Malnutrition, Disease at Accident. Sa predation ba maisasama ang mga taong pinapatay ng isang holdaper tuwing december dahil lamang sa wala daw silang panghanda sa Pasko? Pero maiba tayo, tignan nga natin ang mga madalasan na nangyayari sa isang taong namatay. I-fast forward na natin ng kaunti ang pangyayari, okay! Oh siya kunwari patay ka na, ngayon siyempre dadalin ka sa funeral parlor para ayusan ka. Kasabay na rin noon ang paghahanap ng mga naiwan mo sa buhay ng damit na susuotin mo. Kung isang anak mayaman ang namatay wala ng dapat pang-alalahanin dahil tiyak na amerikana ang susuotin nito at marami silang pera para makabili nito, samanatalang kung ikaw ay isang anak mahirap lamang ay hahanapan ka nila sa baol ng barong na maari mong gamitin para hindi na gumastos pa, maari na siguro yung barong na ginamit mo sa pag-abay sa kasal dati. At kung talagang walang wala ka na, basta't maayos na damit na lang at talian na lang ng panyo ang panga mo hanggang ulo nang hindi bumuka yang bunganga mo. Alam niyo ba na may pinagkaiba ang damit ng mga patay sa mga damit ng mga buhay? Iyon ay ang trend na hiwa sa likod ng mga damit. Ginagawa ito para madaling isuot ang mga damit, eh siyempre matigas na nga naman yung bangkay pano mo babaluktutin ang mga braso nito? Kaya yun ang mali ng mga gumagawa ng mga pelikulang pang zombie dahil buo pa rin ang mga damit nila sa likod. Yun ang hindi naresearch ni George Romero na kilala sa mga pelikulang zombie.

II. THE MAKEOVER

Matapos mai-ready ang iyong mga susuotin at kahong paglalagyan para sa huling rampa mo sa daigdig, lilinisan ka na nila at pati na rin ang iyong kalooblooban. Kung nahihiya nga tayong hubad noong buhay pa, akalain mong mahuhubadan din pala talaga tayo ng ibang tao kapag tayo ay patay na. Tutal patay ka na nga rin naman, kaya wala ng hiya pang mabubuhay sayo. Pagkatapos ay aayusan ka na ngayon ng make-up artist ng punerarya. Madalas na request ng mga naiwang kamag-anak na gawing parang natutulog lang daw. Paano kaya yun? Nakatagilid ang pwesto mo? May yakap na unan? Oh kung nakapatong na lang kaya ang isang braso sa noo? Hindi ko rin alam kung bakit ganito ang gusto nilang palaging itsura ng kanilang patay. Kung sabagay kesa naman sa parang gising lang, mas nakakatakot ata lalo yun. Medyo nakakabadtrip ang mga nagmamake-up sa mga patay, kasi madalas nag-iiba ang itsura ng bangkay kapag dumaan na sa kanilang mga kamay. Oo, lahat kasi halos ng mga patay na nakita ko nagiiba talaga lalo na yung lips na parang sobra ata sa pink.

GUSTO MO NA BANG MAMATAY?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon