Luha ng Panulat

102 1 0
                                    

LUHA NG PANULAT

***

“Dem, may ipapasa ka na bang akda sa panitikan?” tanong ng isa kong kaklase.

“Ay naku, wag mong tanungin ang isang iyan. Sigurado akong may nakahandang bala ang babaeng iyan sa kahit anong labanan,” natatawa pang wika ng isa.

Tipid na ngiti lamang ang itinugon ko sa kanila. Sumabay ako sa kanila sa pag – alis sa aming silid – aralan. Walang kibo akong sumabay sa kanilang mga hakbang. Paglabas namin sa tarangkahan ng paaralan, tinahak namin ang magkakaibang landas patungo sa ‘ming paroroonan.

Magkakasunod na buntonghininga ang aking pinakawalan habang mag – isang tinatahak ang daan pauwi. Ano nga ba ang isusulat kong akda? Matagal na ring nakatingga ang panulat ko’t pluma para sa aking mga obra. Ano na ang gagawin ko? Malapit na ang takdang oras ng pasahan. Kailangan ko nang igalaw ang aking kamay at paganahin ang aking isipan.

Beep. Beep. Beep.

Muntik na akong matumba nang magising ang aking diwa mula sa pagmumuni – muni dahil sa magkakasunod na busina ng mga sasakyan. Nasa gitna na pala ako ng kalsada, hindi ko man lang namalayan. Nahihiyang itinuloy ko ang pagtawid habang lihim na kinakastigo ang sarili.

Sa wakas, narating ko rin ang aming tirahan. Kaginhawahan ang lumukob sa ‘king katawan nang mailapat ko ito sa aking higaan. Nakipagtitigan ako sa kisame na tila ba laman nito ang mga kasagutan sa mga bagay na gumugulo sa ‘king isipan. Kailangan ko nang paluhain ang aking panulat at muling simulan ang pagsusulat. Bumangon ako’t hinalungkat ko ang ilang piraso ng plumang naglalaman ng aking mga nakaraang akda. Sinuri ko ang laman ng bawat pahina at mabusising inunawa ang bawat kataga. Isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan. Hindi ko maaaring ipasa ang mga dati kong obra pagka’t walang buhay ang paksa ng mga ito. Napakamot ako sa sa aking batok.

“Dem, tulungan mo nga muna ako dito sa kusina,” tawag sa akin ni Mama. “

Maayos kong ibinalik ang mga pluma sa dati nitong kinalalagyan. Laglag ang balikat na tinungo ko ang kusina.

“Hugasan mo muna ang kawali Dem.”

“Bumili ka muna ng asin kina Aling Trina.”

“Tingnan mo muna ang sinaing.”

“Dalhan mo ng ulam ang Lola mo.”

Nakakasiguro akong panibagong kapaguran na naman ang aking daranasin.

---

Kinabukasan, lugo - lugong pumasok ako sa paaralan. Ang mukha ko’y hindi maipinta pagka’t walang nasisimulan kahit isa. Paano ba naman kasi’y panay ang utos ni Mama kagabi. Ang pangalan ko ang sa tuwina’y sinambit na tila ba ako lang ang kanyang bubwit. Hindi tuloy ako nakapag –isip ng magiging paksa para sa gagawin kong istorya.

“Ano na? Nakagawa na kayo?”

“Pabasa naman ng gawa mo.”

“Kailan ang pasa mo?”

“Sabay na tayong magpasa ha?"

“Ang ganda naman ng gawa mo.”

“Bruha, gawan mo din ako oh.”

“Sana lahat nakagawa na.”

Labas – masok lang sa aking pandinig ang usapan ng aking mga kamag – aral. Hindi dapat ako magpaapekto. Pihadong makakaisip rin ako ng makabuluhang paksa para sa aking magiging akda. Ano nga ba ang aking isusulat? Anong magandang paksa ang gagawan ko ng katha? Anong makabuluhang bagay ay pag – aalayan ko ng luha ng aking panulat? Walang matino ang pumapasok sa isip. Sa kasalukuyan, blangko at tila walang laman ang aking isipan. Nagilalas ako nang lumapit sa ‘kin ilang kamag –aral ko.

“Dem, pwede bang magpagawa na lang kami sa’yo?”

“Wala kasi talagang pumapasok sa utak ko eh. Wala talaga sa dugo ko ang pagsusulat.”

“Madali lang naman sa’yo gumawa ng mga kwento ng buhay. Sige na Dem. Magpapagawa kami sa iyo.”

“Sige na, pagbigyan mo na kami Dem.”

“Kilala ka sa silid aralang ito bilang mahusay na may – akda. Tiyak akong muli kang makagagawa ng magandang istorya.”

“Ayos lang din sa ‘min na magbayad kami sa’yo.”

Maayos na tinanggihan ko ang kanilang alok. Hindi ako magpapaikot sa mga salita nilang tila alikabok.

“Kailangang makapasa na raw ngayong araw ng akda ang bawat isa sabi ni Ma’am. Mamimili na raw siya ng ilalaban sa paligsahan,” bungad na balita sa ‘min ng aming pangulo sa klase.

Naging balisa ang lahat sa mga sumunod na minuto. Nagkukumahog na makapagsulat ng isang kwento. Kumawala mula sa akin ang isang napakalalim na buntonghininga. Itinuon ko ang mga mata sa aking panulat at kapirasong papel. Kailangan ko nang simulan ang pag – iisip ng kwento.

Pinagalaw ko ang aking mga kamay tulad ng banayad na pagsayaw ng mga palay. Pinagana ko ang aking utak. Iwinaglit ko rin sa aking isipan ang sinasabi nilang patimpalak.

Itinuon ko ang buong atensyon sa pagsusulat ng sariling kwento. Tila ba ako’y naglalakbay sa sarili kong mundo. Kaysarap sa pakiramdam na mawala ang aking mga agam – agam. Ramdam ko ang muling pag – usbong ng aking dedikasyon. Ang aking isipa’y tuluyang nalunod sa sariling imahinasyon. Tuloy – tuloy ang daloy ng mga salita sa aking papel. Ang aking mga kataga’y may mga kahulugang nakasupil.

Labis - labis ang aking kaba habang tinutunton ang tahimik na pasilyo. Tiyak ang aking paroroonan ngunit maingat ang aking mga hakbang. Butil – butil ang pawis sa aking noo. Magugustuhan niya kaya ito? Pinihit ko ang hawakan ng pinto. Bahala na. Ang mahalaga’y mayroon akong ipapasa. Isang mahinhing punit sa labi ang natanggap ko mula sa aming guro. Iniabot ko ang aking obra at mabilis pa sa alas kwatrong lumabas ako ng kanyang opisina matapos makapagpasa.

Ang malawak na ngiti’y hindi naalis sa aking mga labi hanggang sa ‘king pag – uwi. Nakagawa na naman ako ng isang obra. Mukhang magsisimula na naman akong magsulat ng mga katha.  Makakatulog na ako nang mahimbing ngayong gabi.

---

Pagpasok ko sa aming silid – aralan, sari – saring pagbati ang bumungad sa ‘kin.

“Sabi ko na nga ba’t di ka nawawalan ng bala sa giyera.”

“Galingan mo sa patimpalak Dem!”

“Yaahh!!! Ang galing mo talaga!”

Hindi ko lubos na maunawaan ang mga namutawi sa kanilang mga labi. Anong nangyayari? Bakit tumatanggap ako mga papuri?

“Ha?” tanging naisatinig ko.

“Ikaw ang napiling lalahok sa paligsahan,” masayang wika ng isa kong kaklase.

Nanlaki ang aking mata sa bigla? Hindi nga? Naglulundag ako sa tuwa. Hindi ko lubos maisip na ----

Blaaaaaaaaaaggg!!!

Aw! Papungas – pungas akong pilit naupo sa aking higaan habang hawak – hawak ang pisngi ng aking pang – upo. Totoo ngang mapanakit ang aming sahig. Inihanda ko na lamang ang aking sarili sa pagpasok sa paaralan.

Nang marating ko ang paaralan, dinala ako ng aking mga paa sa malaking paskilan ng mga patalastas. Sumilay ang isang mapait na ngiti sa aking mga labi. Tumpak ang paalala ng aking utak. Hinding – hindi ako mapipili para sa patimpalak. Isang panaginip lamang ang lahat. Napabuntonghininga na lamang ako’t tinahak ang pasilyo patungo sa aming silid – aralan.

Nabigo na naman ako. Nabigo man akong patunayan ang aking kakayahan ngayon paniguradong may iba pang paaraan. Tiyak na maabot ko ang aking pangarap kung patuloy akong magsusumikap. Hindi ko kailangan ang anumang orasyon pagka’t sa tulad ko’y sapat na ang isang inspirasyon.

Lumuha man ngayon ang aking mga mata, ang panulat ko’y di mawawalan ng tinta. Aminado akong hindi ako mahusay na manunulat ngunit tiyak kong luluha’t luluha ang aking panulat.

***

©️All rights reserved 2021.

Luha ng PanulatWhere stories live. Discover now