Dear Diary (1)

3 1 1
                                    

DEAR DIARY

sinulat ni Julia

February 20, 2004

Dear Diary,

Hindi ako mahilig na magsulat ng mga saloobin ko. Wala rin akong kaibigang pinagtatapatan ng tunay kong nararamdaman. Nadala na ako dahil isinumbong lang ako ng pinagsabihan ko noon sa taong siyang pinagkasamaan ko ng loob. Ayokong may makaalam ng true feelings ko. Pero sobra na sila, ang mga tao sa paligid naming ni mama.

Mula pagkabata ko ay lagi kong nililibak at iniismiran ang mama ko ng mga tao. Malandi raw ang mama ko at kaya raw siya nagkaroon ng puhunan sa maliit niyang puwesto sa isdaan sa palengke ay dahil sa pagpatol niya sa lalaki. Ngayon daw ay mayayabang na kami at hindi marunong makisama sa mga tao. Ilang beses kong gustong mang-away dahil sa masasakit na salita ng mga tao sa amin pero lagi akong pinipigilan ni mama. Nakalakihan ko ang laging panlilibak nila sa amin at ang laging pagbibiro nila na amoy malansang isda kami.

Singer sa club noon si mama at sundalo naman si papa. Suki nila noon sa club ang ama ko dahil masugid niyang niligawan si mama. Naging mag-boyfriend sila at pinangakuan ni papa ng kasal si mama. Hindi pa man sila ikinasal ay nabuntis si mama at siya namang paglipat ng destino ni papa. Wala si papa nang ipinanganak ako. Nagpadala si papa ng panggatas at vitamins ko noong sanggol pa ako. Nagpadala rin siya ng puhunan ni mama na siyang ipinangnegosyo ni mama sa isdaan. Hindi na nasundan ang padalang iyon ni papa, at hindi na rin niya binalikan si mama. Ibang babae ang pinakasalan ni papa. Mula noon ay ayaw na siyang ipakausap sa amin ng naging asawa niya.

Ngayong nasa high school na ako, hindi pa rin nagsasawa ang mga dalahira sa panlilibak sa amin. Lagi kaming ginagawang ehemplo kapag ang topic ay tungkol sa dalagang-ina, broken family, o iniwanan ng boyfriend. Dahil pareho kaming hindi nakikigrupo dahil umiiwas kami sa intriga, nabansagan na rin kaming pasosyal at matapobre.

Ngayong araw na ito, pinuntahan si mama ng isang babae, girlfriend daw siya ng isang supplier ng isda. Pinagselosan at pinagdudahan niya si mama na may relasyon sila nu'ng supplier dahil si mama lang daw ang pinautang nu'n. Ipinangdagdag ni mama ang perang iniutang niya sa tuition ko. Ang masaklap, diary, habang sinasabunutan ng babae si mama ay tila natutuwa pa ang mga kasama niyang tindera doon. Agad akong umawat pagdating ko. Ngunit ako naman ang pinuntirya nu'ng babae, sinabi niyang nagmana ako sa mama ko ng kalandian. Doon na hindi nakapagtimpi si mama, sinuntok niya ng malakas ang babae. Isinungalngal ko naman sa bunganga no'ng iskandalosa ang isang isda kung kaya't nakarating kami sa barangay. Dahil sa nangyari ay nagpasya kami ni mama na hindi na muling magtitinda sa palengkeng iyon.

Diary, pinoproblema namin ngayon kung saan kami hahagilap ng panggastos at pampaaral ko. Nalilito ako. Gusto kong magpatuloy ng pag-aaral ngunit wala ng hanapbuhay si mama.

Susulatan kita uli balang araw, kung buhay pa ako.

Wishing and Hoping,
Evangeline

#diary

ProsaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon