rason sa hindi pananatili

49 11 13
                                    

Paano ko ba sasabihin sa iyong mahal kita kaya umalis ako? Maraming beses—ilang beses kong sinubukang sabihin sa iyo. Mahal kita kaya pinapalaya na kita. Hindi ko alam kung kailan nagsimula, pero ayokong dumating sa puntong sisihin mo ang 'yong sarili dahil lang sa kakulangan ko. Mahal kita. Pero mas nanaig ang hindi ko inaasahan.

Naaalala ko pa . . .

"Bakit dito?" tanong mo nang minsang dalhin kita sa parke.

"Kasi maraming tao at saka malawak kaya!" sagot ko habang nakahawak sa batok. Nahihiya ako, magugustuhan mo kaya?

"Ano'ng gagawin natin? Tatambay?" kunot-noong tanong mo habang nakataas na rin ang isang kilay.

"Picnic, malamang," agad kong sagot sabay punta sa pinagtaguan ko ng mga gamit na inihanda ko.

"Ito, o!" Sinimulan kong ilatag ang sapin habang nakatingin sa iyo. Unti-unti, nakita ko ang pagbabago sa 'yong mukha, sumilay ang ngiti na nagbigay ng kakaibang tuwa sa akin. Napangiti rin ako, ganoon yata talaga, sadyang nakakahawa ang iyong ngiti.

Masaya tayo, natapos ang araw nang may ngiti sa ating mga labi. Doon ko natanto kung gaano kita kamahal. Nakakatakot.

Sa kauna-unahang pagkakataon, natakot ako para sa nararamdaman ko. Hindi ko alam na kaya ko palang magmahal nang ganoon.  Gustong kumawala, parang sasabog ang puso ko sa tuwa. Sa tuwing nakikita kita noon, kakabog nang malakas ang dibdib, awtomatikong kukurba ang mga labi, at para akong kakapusin ng hininga—nahihigit ang aking paghinga.

Dalawang taon na tayo noon pero para bang nahulog akong muli sa iyo. Lumipas pa ang ilang taon, magtatapos na tayo ng kolehiyo . . .

"Ano'ng plano mo pagka-graduate?" minsang tanong mo.

"Hindi ko pa alam, e," simpleng sagot ko. Hindi ko pa alam kung ano ba talaga ang gusto ko, isa lang ang sigurado, gusto kitang kasama at isa ka sa pangarap ko.

"Ako, gusto ko na agad i-pursue ang pangarap ko. Alam mo naman iyon, diba?" kuwento mo na tinanguan ko lang.

"Gusto kong maging successful balang araw, magtatrabaho ako hanggang sa makaipon, para makapagpatayo ng sariling negosyo. Alam mo naman diba na isa 'yan sa pangarap nina Mama para sa pamilya. Tutulungan mo naman ako, diba?" Hindi ako makasagot. Sandali akong natigilan at dumaan ang ilang segundo bago tuluyang tumango at makapagsalita.

"Oo naman, tutulungan kita. Nasa tabi mo lang ako palagi."

Gusto kong humingi ng tawad. Gustong-gusto ko, dapat nasa tabi mo ako noong panahong kailangan mo ako, pero hindi ko nagawa. Inuna ko ang takot ko . . .

Palagi mong sinasabi sa akin ang mga plano mo, mga gusto mong mangyari sa hinaharap, natakot ako. Mahal kita pero pakiramdam ko, hindi sapat ang mga katagang mahal kita para sa 'yo. Natakot ako. Hindi ako sapat. Nanliliit ako, pakiramdam ko noon, hindi ka makauusad nang kasama ako kasi simple lang ang pangarap ko. Hindi ko sinabi sa iyo noon, pero sa bawat araw na dumaraan, palala nang palala ang mga takot. Paano kung sa katagalan ay matanto mong hindi mo pala ako kailangan? Paano kung—hindi ko na alam . . .

"Patawad," tanging nasabi ko noong huling beses tayong magkita. Nagsimulang tumulo ang mga luha ko. Takot na takot ako.

"Para saan? Bakit ka umiiyak?" taas-kilay mong tanong, naiirita.

"Hindi ko na matutupad ang mga pangako ko," sagot ko habang nakayuko. Hiyang-hiya ako, bakit kasi ganito lang ako?

"Anong sinasabi mo?" tumaas nang bahagya ang boses mo, halatang hindi natutuwa sa naririnig.

"P-pasensiya na talaga, pero—" bago ko pa makumpleto ang sasabihin ko ay sinampal mo na ako.

"May ibang babae ba?" Agad akong umiling.

"Ano'ng problema? Sabihin mo sa akin!" paulit-ulit mong sinabi habang pinaghahampas ako. Hindi ako kumibo. Hinayaan lang kita.

Umiiyak ka na noon at pilit kitang pinatatahan pero hindi ka pa rin tumitigil. Gusto kong bawiin ang mga sinabi ko. Gustong-gusto kong tuparin ang mga pangako pero . . . hindi ako sapat.

Nang gabing iyon, pinagsisihan ko ang desisyon pero sa tuwing nakikita ko kung gaano ka kasaya ngayon, siguro nga tama lang ang ginawa. Walang araw na hindi ko inisip kung ano kaya tayo ngayon kung hindi ako natakot . . .

Pero lahat iyon bumabagsak sa sagot na hindi ka magiging ganito kasaya kung nanatili ako.
Hindi ko na sigurado kung ilang taon na ang lumipas. Lima? Anim? Pito? Hindi ko mabilang pero sapat na ang iyong mga ngiti para sa nangungulilang puso . . .

Mahal kita, hindi ko alam kung malalaman mo pa ba, marahil ay may galit ka pa rin. Marahil ay nalimutan mo na rin ako. Hindi ko alam. Ang alam ko lang, natagpuan mo ang taong para sa iyo noong iniwan kita.

Mahal kita . . .

pero hindi naging sapat ang pagmamahal na iyon para malabanan ang takot na nanaig sa akin.

Gusto kong bawiin ang desisyon, gusto kitang balikan, gusto kong umuwi sa iyo pero hindi na maaari pa. Tapos na ang oras ko kasama ka pero gusto kong magmakaawa.

Mahal kita.

Mahal pa rin kita.

At marahil ay mamahalin pa rin kita kahit na . . .

may sarili ka nang pamilya.

Rason sa hindi pananatiliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon