Isa lamang akong noob noong higschool days namin. Irrelevant, unimportant, unconnected, immaterial, extraneous. Naks naman.
Pero lahat ng pwede mong banggitin mula sa diksyonaryo na nauukol o kasing-kahulugan ng salitang irrelevant or hindi mahalaga ay pwede mong gamitin patungkol sa akin.
Ako iyong isang tao na kahit hindi ko man gustuhin, umaabot at umaabot sa akin ang kwento ng bawat taong dapat sana ay irrelevant sa buhay ko.
Pero dahil sa kadaldalan ng kaibigan nila, kaibigan ko, kaibigan nilang kaibigan ng mga kaibigan ko o kahit ng tambay man lang na nakakasalamuha ko, naiilathala ko sa bawat pahina ng sarili kong utak ang mga kwento nila.
Isinusulat ng palihim ang bawat titik na binibigkas ng mga taong nakakausap ko tungol kay A o kay B o kay C.
Minsan, naiipon ang lahat ng kwento nila, na kahit ako ay nalilito at napapa-isip, ano kaya ang susunod nilang gagawin?
Nagiging parte ako ng mga suliranin nila, hindi dahil nasa aktwal na pangyayari ako, kundi dahil, naririnig ko ang bawat chismis na ibinubulong sa akin.
Minsan nga, umaabot na sa puntong sadya akong nauupo sa silyang pinakamalapit sa tambayan ng mga chismosa. Dahil sa kaloob-looban ko, gusto kong malaman kung ano ang kadugtong ng kwento ni A na naging kasintahan ni B. Ngunit si B ay nakikipaglandian kay E.
Pinagtatagpi-tagpi ko ang bawat kwento. Iniuugnay ang mga taong akala ko noon ay wala naman talaga dapat na koneksyon pero nagiging mahalaga sa kwento dahil pinaglalaanan ng laway nitong pinsan kong di ko naman alam na nakiki-chismis din pala.
Marahil, kagaya ko, naramdaman niyo din noon na nakakatakot ang puntong ito ng buhay. Ang highschool. Biruin mo, dito ka nagsimulang magka-period, magka-crush, magkaroon ng matatalik na kaibigang hindi mo bibiruing magiging pang-habang-buhay na pala. Dito ka sa mga panahong ito natutong maluha, tumawa dahil lang sa walang kakwenta-kwentang mga bagay, umibig ng palihim sa taong tila langit ang pagitan sa'yo. Dito ka natutong kulitin ang mga kaibigan mong na i-set-up ka sa crush mo sa wedding booth noong foundation day 'nyo, dito ka din natutong uminom ng alak, oppss, sa panahon namin. Pero di ko alam sa panahon ng iba noon o ngayon.
Dito ka natutong makipag-away, mag-prank ng teacher, magpaiyak ng teacher, magpaiyak ng classmate, at magpaiyak ng minamahal, at matalik na kaibigan nang dahil sa iyong minamahal.
Maituturing kong napaka-brutal ng panahong ito. Kahit ayaw mong mapabilang sa mga pangunahing tauhan ng kwento, hindi sadyang nasasama ka. Dahil sa bawat kwento, may iisang tao na tila si Socrates o si Nostradamus na dapat nakakaalam ng bawat pangyayari.
Ikaw iyong taong hindi sinasadyang nagiging chismoso dahil lahat sila, ikaw ang nagiging takbuhan, sakali mang magkaroon sila ng dilemma sa buhay nila, sa lovelife nila at kahit sa mga pansarili nilang iniisip.
Sa bagay, wala din namang masyadong hanash sa buhay ko noon. Kaya ano pa nga ba ang pwede kong gawin kundi ang makinig.
Anyways, ano nga ulit itong sinusulat ko ngayon? Ahhh, kasaysayan ng mga marurupok, matatapang, mga rebelde, mga pabebe at halo-halong kaganapan ng buhay ng iba na hindi ko alam kung bakit ako ang magkukuwento.
O di ba, sa madaling salita, ito ang pinakamahabang chismis na mababasa mo. Dahil chismis ito mula noong kabataan namin, hanggang sa tumanda kami at ngayon ay may sarili nang mga buhay.
Handa ka na ba? Naku, mahaba-haba 'to. Makapaghanda nga ng beer at mani.

YOU ARE READING
BATCHMATES SERIES
General FictionIn "Batchmate Series" the echoes of high school hallways come alive as a diverse group of former batchmates prepares to reunite after a decade apart. Beneath the nostalgic veneer of laughter and shared memories. Lizzie finds herself in the middle of...