Genesis, 1:43

32 3 4
                                    

"Anong nabunot mo, Rayne?"

"Papel."

Napangiti si Genesis. Hindi lang dahil sa sarkastikong sagot ni Rayne sa kaibigan nito, kundi dahil sa wakas, nalaman na niya ang pangalan ng kanina pa niya tinitingnan.

Hindi malaman ni Genesis kung anong meron kay Rayne bukod sa makulay nitong buhok—may green, blue, violet at pink. Nakuha ng buhok ang atensyon niya pero may kakaiba sa kabuuan ng babae. Unang beses pa lang na mapadapo ang mga mata niya rito pagkarating sa bahay-bakasyonan, gusto na niya agad itong ipinta.

Buti nag-brown out. Napakalakas ng ulan. Puro mga estranghero ang mga kasama niya palibot sa emergency lamp na nasa center table sa malawak na sala ng bahay-bakasyonan. Naglalaro sila ng Wink Murder. Ayaw sana niyang sumali pero nang makita niyang naroon si Rayne, automatic, sumali agad siya sa laro.

Tiningnan niya ang papel na nabunot. Police. Unang round pa lang, ganda na ng role niya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mata ng mga kalaro. Kinilatis kung sino ang maaaring murderer na maaaring kumindat at pumatay. Ang ilan ay inaantok, may natatawa, at meron ding nakikipagtitigan sa kan'ya. Pero ipinagpatuloy niya ang pagtitig sa iba pang mga kalaro hanggang sa napadako ang paningin niya sa isang pares ng mga matang nasa likod ng eyeglasses.

Napaayos siya ng pagkakaupo. Bigla siyang hindi mapakali. Takte, malamig naman ang panahon sa Baguio, tapos uminit ang mukha niya? At mukha lang talaga niya ang mainit?

Nagkalakas-loob siyang tingnan ulit ang singkit na mata ni Rayne. Huminto ang lahat maliban sa nagwawala niyang dibdib. Nang kumindat ito, wala na, pati 'ata ang naghuhurumintadong puso niya ay tumigil.

"I-I'm dead," ang mahinang nasabi niya, tila nahipnotismo sa isang kindat.

T-Teka. Mali. Katangahan! Bakit siya mamamatay, eh, pulis nga siya?! Tumikhim si Genesis. "H-huli ka!" sigaw niya kay Rayne bago ipinakita ang nabunot na papel.

"Ay, paksyet," natatawang sabi ni Rayne. "Bakit ka nag I'm dead tapos police ka pala. Troll! Pinaasa mo ako!" Inangat din nito ang papel na may nakasulat na Murderer.

Nagtawanan sila.

Talo ang murderer. Kailangan gawin ng murdurer ang dare police. At ang dare ni Genesis?

"Be my subject," sabi ni Genesis kay Rayne, hindi iniinda ang tingin ng mga estranghero.
"Huh? Seryoso ka ba d'yan?"

"Oo. Gusto kitang ipinta."

Pagkasabi niya ay biglang bumalik ang ilaw. Masayang naghiyawan ang mga kalaro bago nagpaalam na at ginawa ang dapat ginawa. Pinigilan ni Genesis sila Rayne bago pa makaalis din.

"Gagawin mo naman 'yong dare, 'di ba?" 

Natawa ito. "Antok lang 'yan, Kuya. Good night."

* * *

Natigil na naman ang mundo ni Genesis nang makasalubong niya sa hagdan si Rayne kinabukasan. Pababa ito at mukhang inaantok pa. Kinakabahan siya, pero bahala na.

"Rayne."

Nagulat ito at nagising ang diwa. Tiningnan siya nang may pagtataka. "'Y-yong dare sana...?"

Nagtaas ito ng dalawang kilay. "'Yon pa rin ba?"

Bahala na. Deretsahan na. "Alam mo bang dahil sa'yo, gusto ko na ulit humarap sa blangkong canvas?"

"Anong sinasabi mo?" natatawang tanong nito.

Humigit ng malalim na hininga si Genesis, pinapalakas ang loob dahil alam niyang may pagka-weird ang susunod niyang sasabihin. "Alam mo 'yong pakiramdam na nawalan ka ng puso sa ginagawa mo? 'Yon kasi nararamdaman ko ngayon sa pagpipinta. Akala ko ito na passion ko, gagawin ko buong buhay pero nag-aalangan na 'ko. Pero kahapon, n'ung nakita kita, biglang ginusto ko ulit magpinta. Gusto kitang ipinta."

Genesis, 1:43Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon