Chapter 10

27 0 0
                                    

Pagkalampas na pagkalampas pa lamang nina Joaquin at Jade sa placard na may nakasulat na Sitio Makabonbon ay bumungad na sa kanila ang magiliw na aura ng mga tao roon. Pawang walang sinuman ang naroroon ang hindi nakangiti kaya naman pagkatungtong pa lang ng iyong mga paa ay siguradong mahahawa rin sa pagiging masayahin at masigla ng mga naroroon.

Magaslaw ang pagbaba ni Jade kay Silak. Balak pa sana siyang alalayan ni Joaquin sa pagbaba subalit nauna na ang babae.

"Dito tayo," sabi ni Joaquin saka tinuro ang lugar kung saan magdadaos ng kaarawan ang kaibigan.

Nilingon naman ni Jade ang direksyon na tinuturo ni Joaquin saka napatango-tango sa ganda ng venue. Magarbo ang sinaunang hall na may haliging nauukitan ng mga paruparo. Naalala ni Jade ang mga paruparo na nakita niya bago siya dalhin sa panahon na iyon kaya napaisip siya.

Malapit na kaya roon ang mansion na napuntahan nilang magkakaibigan?

Mas lalo pang nilibot ni Jade ng tingin ang kabuuhan ng lugar na napansin naman ni Joaquin.

"Nais mo ba munang maglibot-libot?" tanong ni Joaquin. "Mamaya pa naman magsisimula kung kaya't may oras pa tayo upang makapamasyal."

Nilahad ni Joaquin ang kamay sa dalaga. Dalawang-isip naman na inabot iyon ni Jade. Naglakad silang magkahawak-kamay kaya naman hindi maiwasang isipin ni Jade ang kakornihan ng senaryo na iyon. 

Kaya lamang, ipakita man ng mukha niya ang pagngiwi, hindi maitatangging nakaramdam siya ng kuryente nang sandaling magdikit ang mga palad nila ni Joaquin.

Aaminin na niyang nagiging panatag na siya sa lalaki. Kung hindi, bakit siya papayag na makipag-holding hands habang binabagtas nila ang daang pinaliligiran ng mga maliliit, makikinis at puting bato.

Pakiramdam niya ay naglalakad siya papunta sa gate na magdadala rin sa kanila papunta sa isang paraiso.

"Ang ganda naman dito." Ngumiti si Jade. Ang pagngiti na iyon ang senyales na unti-unti na ring lumalambot ang pusong bato ng babae. 

"Mas masisiyahan ka kapag nakapasok tayo sa loob ng gate na 'yan," sagot ni Joaquin.

Tiningala ni Jade ang kulay asul na gate. Sa sobrang taas niyon ay sagad din ang kanyang pagtingala. Halos pikit na rin ang kanyang mga mata dahil sa pagkasilaw sa sikat ng araw.

Nakailang katok muna si Joaquin sa gate na iyon bago iyon tuluyang bumukas.

Isang babaeng nakasuot ng lambong ang nagbukas sa kanila. Pagkatapos ay tinuro nito ang daan papunta sa main door ng mansion.

Pamilyar ang lugar kay Jade. Iyon na marahil ang mansion na pinasukan nilang magkakaibigan.

Pagkabukas pa lamang ng malaking tarangkahan ay nagsimula na ring magsilabasan ang mga paruparo. Dumiretso ang mga ito sa direksyon ni Jade. Ang ilan ay dumapo sa kanyang buhok, ang iba naman ay sa balikat at ang iba ay sa kanyang mga kamay.

"Maging ang mga paruparong nagmula sa hardin ng mansion ay naaakit na rin sa taglay mong kagandahan," papuri ni Joaquin na lihim namang sinundan nang pagngiti ni Jade.

"Binobola mo na naman ako. Hindi ako maganda."

"Maniwala kang maganda ka, hindi pa malabo ang mga mata ko."

"Sabi mo e," mabilis namang bawi ni Jade kasabay ng pagpitik sa kanyang buhok. Siya na ang biniyayaan ng kagandahan!

Magkahawak pa rin ang mga kamay nilang nilalampasan ang hardin ng mansion nang magsalita muli si Joaquin.

"Ngayong pumayag ka nang hawakan ko ang iyong kamay, maaari ko na rin bang isipin na mahal mo na rin ako?"

Nanlaki ang mga mata ni Jade.

LOS VIAJEROS: Tentacion Del Rebelde (Rebel's Temptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon