Chapter IX

6K 1.1K 68
                                    

Chapter IX: The Agreement and the Promise (Part 2)

Agad na napabaling si Gin kay Finn nang marinig niya ang sumunod na tanong ng binata. Napasulyap din siya kay Helios, at bakas sa kanyang mga mata ang labis na interes sa usapang nagaganap. Hindi lang siya basta nawalan ng malay matapos lumitaw sa kanya ang markang dating pagmamay-ari ni Rajin. Siya na ang nagmamay-ari ng markang ito ngayon, pero ang totoong kapangyarihan nito ay hindi niya pa nakukuha dahil mayroon pa siyang huling hakbang na kailangang gawin.

Samantala, ngumiti si Helios kay Finn. “Nagsimula iyon sa simula pa lamang nang tuluyang pagkakawatak-watak ng bawat lahi.”

“Ayon sa aking ama't ina, na ayon naman sa aming mga ninuno, kahit na masunurin at sumasamba ang dating emperador ng imperyo ng mga tao sa kinikilalang diyos ng Holy Church, sa likod nito ay nag-iingat pa rin siya dahil mayroon siyang itinatagong sikreto sa lahat--mayroon siyang kakayahan na magbagong anyo at maging isang demonyo na lingid sa kaalaman ng nakararami.”

“Hindi niya magawang maipaalam ang tungkol sa sikreto niya sa Holy Church dahil natatakot siya na baka paslangin siya ng mensahero. Hindi siya natatakot sa mensahero, mas pinahahalagahan niya lamang ang benepisyong makukuha niya kung sakaling magtagumpay siya. Nais niya pa ring pagharian ang buong kontinente, at nais niya pa ring tapusin ang Holy Church.”

“Isang talentadong Formation Master ang dating emperador. Wala pang nakahihigit sa kaalaman niya tungkol sa mga formation. Dahil sa kanyang takot at pangamba, bumuo siya ng isang pambihirang formation sa isang lugar malapit sa palasyo ng imperyo na tanging mga may dugo lamang ng Rowan ang makapapasok. Pinalabas niyang ito ay ipinagbabawal na lugar sa kahit na sinuman maliban sa kanya at mga susunod na emperador dahil ito ay gagawin niyang kanyang libingan at ng mga susunod pang emperador sa kanya.”

“Gumawa rin siya ng paraan upang makausap ang aming ninuno noon. Nagpakilala siyang ang totoong pinuno ng mga demonyo, at dahil sa lakas na tinataglay niya, napasunod niya ang aming ninuno noon. Gayunpaman, hindi siya direktang makapunta sa Demon Mountain. Tanging ang libingan lamang ang ligtas na lugar para sa kanya para makausap kaming mga demonyo. Nagpasa-pasa ang tradisyong ito. Bawat pinuno ng Demon Mountain ay sumusunod sa kanya, pero sikreto pa rin ang katauhan niya at ng mga sumunod na emperador.”

“Ang dating emperador ang bumuo ng plano para tapusin ang mga mensahero pagkatapos nilang ubusin ang mga beastman, merfolk at vicious beast. At ang binabalak niya ay gawing alipin ang lahat ng matitira at pagharian ang planetang ito ng mag-isa. Pero, hindi iyon nagtagal dahil namatay siya sa hindi namin malamang dahilan. Mayroon lamang bagong lumitaw na emperador, at ang emperador ding iyon ang pumalit sa kanya upang magpatuloy sa kanyang plano,” pagsasalaysay ni Helios. “Nagpatuloy ang ganitong sitwasyon hanggang sa paglitaw ni Rajin bilang bagong emperador habang ako bilang natitirang may purong dugo ng demonyo.”

“Ako na lang ang natitirang purong demonyo sapagkat ang karamihan sa aking lahi ay nagkaroon ng anak sa mga tao habang ang karamihan naman ay pumanaw na. Pinilit din sila ng mga nakaraang emperador na gumawa ng maraming demonyo gamit ang kanilang blood essence na nagdala sa kanilang kamatayan. Walang magawa ang aking mga kalahi dahil hawak ng mga emperador na iyon ang kanilang buhay, at naniniwala rin sila na ang aming lahing demonyo ang mangingibabaw sa lahat pagkatapos mapuksa ng Holy Church.”

Nagkaroon ng bulungan at usapan sa pagitan ng mga nasa pagdiriwang. Dahil sa mga pagsasalaysay at pagpapaliwanag ni Helios, nagkaroon sila ng kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Dark Continent na matagal nang nabaon sa limot. Hindi nila alam ang mga sinasabi ni Helios, at ngayong nalaman na nila, mas nagkaroon pa sila ng malalim na pagkakaunawa sa totoong nangyari noong unang panahon.

“Kung gano'n, ang emperador noong unang panahon ang nasa likod ng lahat. Malaki ang naging parte niya sa lahat ng nangyari sa kasaysayan ng kontinenteng ito...” patango-tanong sabi ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 8: Advent of the Divine Child]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon