ALAS DOSE - SHORT STORY #2

14 3 21
                                    

Napakaganda mo talaga Aica! Tumango ako sa harap ng salamin kasabay ang sunod-sunod na pagtango ni Gray. Heto na naman siya at sinusundan ang mga yapak ko patungong banyo. Natatakot na ako sa kaniya, nakabukas ang ilaw at kitang-kita ko ang postura n'ya sa masilyadong pader ng banyo. Nakatingin siya sa akin samantalang ako ay walang saplot at patuloy lang sa paliligo.

Pinatay ko ang ilaw at nagbabakasakaling maalis ang malakas na kabog sa aking dibdib na tila kanina pa gustong kumawala. Naiibahan na ako sa mga ikinikilos niya. Madalas niyang pagmasdan ang mga galaw ko at pabago-bago ang timpla ng kaniyang pag-uugali. Hindi ko naman siya matiis dahil wala nang ibang nagmamalasakit sa kaniya kung hindi ako lang!

Sinamantala kong makaalis sa loob ng madilim na banyo at hinayaang lunurin ang aking kaisipan na takot si Gray sa dilim habang tinatakbo ko ang distansiya patungo sa aking silid. Binuksan ko ang ilaw at ginawa ang dapat kong gawin. "Sabi na nga ba at babagay sa akin ang kombinasyon ng kahel at lilang bestida na hanggang talampakan ang haba". Isinuot ko rin ang kayumangging sinturon na lalong pinakinang ng kulay pula at indigong burda na bulaklak sa magkabilang dulo nito. Pinatungan ko naman ang aking labi ng kulay asul na lipstick matapos kong lagyan ng mascara ang malalantik kong pilik-mata. "Napakaganda", aking naibulalas.

"Aica Gray! Nakahanda na ang pagkain, narito na ang ssundo mo".

"Naku! Ang nanay!" lalong bumilis ang kabog sa aking dibdib nang magbalik sa aking kaisipan kung bakit ako naghahanda ngayong araw. "Papasok na nga pala ako sa eskuwela!" Napatalon ako sa tuwa, tumalon nang tumalon hanggang sa napansin kong sinasabayan din ako ni Gray sa aking pagtalon. Isang dipa ang layo niya sa akin sa katapat na espasyo ng bumbilya.

Maya-maya pa ay bumaba na ako patungong kusina. Naabutan ko ang inay hawak ang nakababang maleta na tila mangiyak-ngiyak habang nakatitig sa akin. Ganoon na lamang siguro s'ya kasaya na mag-aaral na akong muli. Naituon ko ang aking paningin sa gawing pintuan at nakita ang mga taong susundo sa akin. Mga guro ko siguro ang mga ito! Lalo ko tuloy nadama ang excitement habang isa-isang pinagmamasdan ang mga maestra at maestro sa aking harapan. Tuwang-tuwa ako sa suot nilang uniporme na kulay puti at may bulsa pa ang kaliwang bahagi ng kanilang pang-itaas. Samantalang puting sapatos ang kanilang panyapak na terno naman sa suot nilang safety mask.

Gusto ko sanang masolo ang unang araw ko subalit, hindi pa lamang lumilipas ang isang segundo ay nasa likuran ko na si Gray. Iniabot ko na lamang sa kan'ya ang ilang mga gamit at sa hindi inaasahang pangyayari ay nahulog ang mga ito at nagkalat sa sahig.

"Ano ba Gray, maging maayos ka naman sa mga taong kaharap ko!" sumbat ko sa kaniya dahil sa sobrang pagkabigo sa inasal n'ya. Halatang dismayado at nagulat ang mga taong kanina pa naghihintay sa akin. Marahil ay kay Gray sila nadismaya. Naiinis na talaga ako sa kaniya! Mabuti na lamang ay isinakay pa rin ako sa sasakyang may kulay asul at pulang ilaw sa itaas na walang sawa sa pagkisap. Ilang oras lamang ang itinagal ng aming biyahe at natanaw ko na ang tarangkahan ng aking bagong paaralan. Agad akong bumaba sa sasakyan. Napakaraming tao! May ilang naka asul ng suot pero karamihan ay puti gaya nang sa mga guro ko.

Mukhang matatalino ang mga tao rito, mayroong ilang nagsasalita na mag-isa sa harap ng kawalan na animo'y naghahanda para sa isang talumpati, mayroong mga nagtatawanan na tila nasisiyahan sa kaligayahang dulot ng paghihila ng hibla ng buhok sa kanilang ulo, mayroon rin na isang lalaki na hawak ay gitara at paulit-ulit na sinasambit na isa siyang musikero noong araw.

Nagpatuloy ako sa paglalakad at napalingon sa gawing kanan nitong paaralang pinasukan ko. MENTAL pala ang pangalan nitong school kaya hindi nakakapagtakang matatalino nga ang mga tao rito.

"Nagugutom na ako, anong oras na kaya?" Heto na naman si Gray na nagpapatiuna sa paglalakad. Naalala ko tuloy ang lola, paulit-ulit niyang sinasabi na kapag gusto kong malaman ang oras, tumingin lamang daw ako sa aking tagiliran, pakanan at pakaliwa, at maging sa aking kinatatayuan ay malalaman ko na ito. Tama si Lola! Sumilay ang ngiti sa aking labi nang mapagtanto ko na ang oras ngunit bahagya akong napatawa nang pagak sapagkat nawalang bigla na parang bula si Gray sa aking paningin kahit kasabay ko naman itong naglalakad kani-kanina lamang.

Kahit ilang beses na itong nangyari ay hindi pa rin ako masasanay sa laging pagkawala ni Gray tuwing sasapit ang ganitong oras. Nakalulungkot lamang isipin na hindi man lang siya nagpapaalam sa akin bago siya umalis tuwing sasapit ang alas dose ng tanghali. Saan ka na naman ba kasi nagpunta, Gray?

AN: Dedicated ito sa ate ko, Labyu, teh! Kahit lagi tayong nag-aaway hahaha. Btw, anong masasabi niyo sa short story ko? HAHAHA. Comment na kayo😁 Wala na po itong chapter 2. Baka mag antay kayo sa update ko hehehe. Open ended lang po talaga ito😊

ALAS DOSETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon