MABUHAY KA, ANAK KO
Ni Pin Yathay
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Ginising ako ng ingay ng digmaan, ng sipol at ugong ng mga tingga. Habang nakahiga’y namalayan ko ang iba pang ingay; ngalngal ng mga kotseng nagliligid, ingit ng mga karetang hila ng baka, mga manaka-nakang sigaw. Tiningnan ko ang aking relo. Alas singko ng umaga. Bumangon ako, dumungaw sa bintana at minasdan ang paligid nang buong pagtataka. Ang kalye ay bumabaha sa tao at sasakyang mabagal na naglalakbay sa maputlang liwanag ng bukang-liwayway. Waring lumuwas na sa bayan ang buong bansa. Abril 17, 1975 noon, napagtanto kong patapos na ang digmaang-bayan.
“Thay, dear?” Gising na si Any, tahimik na nakahiga sa dilim. Siguro’y pinanonood niya ako, naghihintay ng reaksiyon ko.
“Dali ka, Any.” Hindi ako nakaramdam ng takot, bagkus ay tensiyon na pinatitindi ng kaalamang oras na para kumilos. Kailangang kumilos kami agad para maiwasan ang labanan. “Katapusan na ito. Ilang sandali na lang at darating na ang Khmer Rouge.”
Naintindihan agad ni Any ang sinabi ko. Mabilis siyang tumayo’t nagbihis; maliksi ngunit malamyos ang kanyang kilos at sa isang wagwag ng kanyang ulo’y naiayos ang buhok niyang hanggang balikat. “Ano’ng mangyayari?” tanong niya.
“Huwag kang mag-alala,” sabi kong nagmamadaling pumunta sa sala para kunin ang mga gamit namin. “Mahihirapan tayo sa umpisa, pero magiging normal din ang lahat.” Nagising sa boses namin ang mga bata. Nagsimulang maghabulan ang dalawang nakatatanda – ang siyam-na-taong si Sudath at si Nawath na limang taon – sa loob ng dalawang kuwartong apartment na bumubuo ng lugar namin sa bahay ng aking biyenan. “Kailangang mabihisan muna ang mga bata at pumunta na tayo agad sa bayan bago makarating dito ang sundalo.”
“Nawath!” tawag ni Any. Narinig ni Nawath ang tawag dahil nakikipagbuno ito kay Sudath sa kama. “Nawath, lalapit ka pag tinatawag ka!” muling taway ni Any na lalong nilakasan ang boses. Kung minsa’y iniisip kong medyo mabagsik sa mga bata, pero talagang malilikot ang dalawa kaya kailangang higpitan nang kaunti. Nahagip niya ang papatakbong si Nawath at binihisan, hindi iniintindi ang pag-angal nito. Naghihikab na bumangon ang beybi pang si Staud, at saka inaantok na nagpalinga-linga. “Sige na, Sudath,” sabi ko sa panganay na lalaki. “Magbihis ka na. Hindi mo ba nakikitang nagmamadali tayo?”
Hindi naman mahirap balutin ang kakaunting kailangan namin. Isang linggo na naming alam, mula nang mag-alisan ang mga Amerikano noong Abril 12, na halos tapos na ang limang taong lumalaganap na labanan sa pagitan ng mga rebeldeng Khmer Rouge ng Cambodia at ng gobyernong Republikano ni Marshal Lon Nol. Hinihintay na lang namin kung saan magmumula at kailan darating ang Khmer Rouge. Dalawang araw bago ito, nagbanta na ang ingay ng papalapit na giyera para maghanap na kami ng pansamantalang malilipatan sakaling tamaan ang bahay. Pinuntahan ko ang aking mga magulang at nakipagkasundong magkita-kita ang buong pamilya sa bahay ng pinsan kong si Oan na nakatira sa malapit sa bayan, sakaling lumubha ang sitwasyon. Pinuno na namin ng gasolina ang lahat ng kotse. Wala na kaming dapat gawin ngayon kundi mag-empake ng dalawang maletang damit, kasama ang mga alahas ni Any, ang mga naipon namin at ang aking mga dolyar – talong libong lahat na puro tig-iisang daan. Dinala ko ang isang maliit na radyo para makarinig ng mga balita – at isang casette recorder na may kasamang reserbang baterya. Nagtangay din ako ng ilang bagay na magagamit ko sa propesyon – mga librong teknikal ukol sa irigasyon at pagbabai-baitang ng lupa, isang diksiyunaryong French-English, at mga bolpen at papel.