Sa Lente ng Pusong Sawi

157 13 15
                                    

SA LENTE NG PUSONG SAWI
isinulat ni Endee (loveisnotrude)


HINDI KO NA matandaan kung kailan ako huling nasaktan ng ganito---itong klase ng sakit na hindi ko maipaliwanag sa kahit na anong salita. Klase ng sakit na kahit may magagawa naman ako para maiwasan ito ay mas pipiliin ko pa ring maramdaman.

Ewan ko ba sa sarili ko. Ilang beses naman na 'kong binigyan ng pagkakataon para makaiwas pero hindi ko pa rin ginawa. Mas pinili ko pa ring manatili. Mas pinili ko pa ring saktan ang sarili ko.

"Sir Frame, ayos ka lang?"

Hindi na ako nag-abala pang lingunin yung assistant ko at tinanguan ko na lang siya bilang tugon sa tanong niya. Pagkatapos ay isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan bago ko muling itinuon ang pansin sa paligid.

Katatapos lang nung wedding ceremony ng babaeng minahal ko sa mahigit sampung taon.

Minahal.

Hindi ko alam kung tama ba na past tense ang ginamit ko para sa nararamdaman ko kahit na hindi pa ako sigurado kung naka-move on na ba ako. Naisip ko kasi, kung naka-move on na nga ako, bakit nasasaktan pa rin ako hanggang ngayon? Bakit hindi ko magawang maging tuluyang masaya kahit na kitang-kita ko namang masaya na siya sa piling ng iba? Bakit may parte pa rin sa akin na hinihiling na sana ako yung groom niya?

"Sir Frame, o." Muli kong nilingon ang assistant ko nang may iabot siya sa aking panyo. "Halata namang hindi ka ayos, e. Punasan mo po muna 'yang mga luha mo at bakâ hindi maging maganda ang kuha mo kapag ihahagis na ng bride yung bouquet niya."

Pagkasabi niya n'on, sakto namang narinig na naming nag-igay ang paligid. Mukhang ihahagis niya na nga yung bridal bouquet sa crowd. Kaya mabilis ko nang pinunasan ang luha sa mukha ko at inayos ang aking DSLR.

Gustuhin ko mang umiyak nang umiyak para kahit paano ay maibsan itong sakit na nararamdaman ko sa mga oras na ito ay hindi naman puwede. Nandito kasi ako sa kasal niya bilang wedding photographer at wala ng iba pa---na sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ba ang pumasok sa isip ko para um-oo rito. Kung tutuusin kasi ay puwede naman akong humindi.

"Girls, are you ready?!"

Nang marinig kong muli ang tinig niya, naramdaman ko na naman ang bilis nang pagtibok ng puso ko. Hindi na ako nagulat kasi wala namang bago. Siya at siya lang naman kasi ang nakapagpapatibok ng ganito sa puso ko. Siya lang talaga.

"One . . . Two . . ."

Inayos ko na ang sarili ko nang magsimula na siyang magbilang. Nakahanda na rin ako para sundan ang paglipad ng bouquet sa ere hanggang sa masalo ito ng isa sa mga bisita niya.

". . . and three!"

Mabilis kong pinosisyon ang aking DLSR at sunod-sunod na kinuhanan ng retrato ang bawat pangyayari hanggang sa tuluyan na ngang masalo yung bouquet.

Ngunit napatigil ako nang may mahagip ang aking lente na isang pamilyar na mukha. Nagkatinginan pa kami at parehong nagulat. Ako, dahil hindi ko inaasahang makikita ko siyang muli. Habang siya naman, dahil siguro sa direksyon niya napunta yung bouquet at siya pa ang nakasalo nito.

Dahil sa pangyayaring iyon, napuno ng tilian ang paligid. Nagsimula na rin kasi silang tuksuin siya.

Bakit nga ba hindi ko naisip na may posibilidad na makita ko siya gayong isa siya sa matalik na kaibigan ng bride?

Napalunok ako sa sarili kong laway nang mapagtanto ko na wala pa rin sa amin ang kumakawala sa pagtititigan.

Teka . . . Bakit biglang bumilis 'tong tibok ng puso ko? Kinakabahan ba ako? Kung gano'n, bakit . . . bakit naman ako biglang kinabahan?

Sa Lente ng Pusong SawiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon