LENTE

2 1 0
                                    


Mapalad raw ang isang bulag, sabi sa isang kanta. Ayon dito, malayo siya sa kasalanan at wala siyang muwang sa nasa paligid - o, wala nga ba? Tulad ng isang kamera ang mga mata – biyayang natural upang makuha at malasap ang bawat minuto sa mundong ibabaw. Kung mayroong pinsala ang kamera, hindi mo maayos na makikita ang isang bagay o pangyayari - masasabing malabo ang iyong pananaw o paningin. Maihahalintulad ito sa pagkakaroon ng deperensiya sa mga mata. Kadalasan pa nga, nagkakaroon ng matinding komplikasyon - kaya't nagbubunsod ito ng pagkabulag o pagkawala ng paningin.

Ngunit ito nga ba ang tunay na kahulugan ng pagiging bulag? Sa mundong ito na tila nahahati sa dalawa ang kulay – ang mabuti at ang masama, may kalulugaran pa kaya kung papanig ka sa gitna at susubukang pagkasunduin sila?

Malinaw ba ang iyong mga mata?

Masasabi kong malinaw ang aking mga mata datapwat gumagamit ako ng lente ng mga salamin upang makita ang kulay berdeng dahon na tumutubo sa paligid, o 'di kaya ng kulay asul na kalangitan habang mainit at maliwanag ang sikat ng araw. Ngunit 'di ako bulag sa mga totoong pangyayari. 'Di ko maitatanggi na sa bawat pagsikat ng haring araw ay bumubungad ang mga problema - mga suliranin sa paligid. Sa bawat halimuyak ng mga bulaklak ay ang katotohanang maraming nauuhaw sa tunay na diwa ng pagmamahal. Maraming naghahangad makamit ang kalangitang minimithi at pangarap na umangat - na minsan, naiisip ko, ito ang dahilan kung bakit nabubulag ang isang tao.

Kahit pa mag-away ang mundo sa kung ano ang tama at mali, kahit pa puro patalim ang lumalabas sa kanilang mga bibig, susubukan ko itong sanggain upang di na matamaan ang iba pang maaaring masaktan – dahil nakikita ko ang mga ibinabato nilang mga salita at ang implikasyon nito sa mga natatamaan. Nakikita kong masaktan ang iba - at higit sa lahat, nakikita ko kung paano sila masaktan. Sasaluin ko ito upang di na makapanakit pa - upang ang sugat ay maghilom na. Ngayon, mapalad nga ba silang nakakakita? Kung ang makikita lamang ay sakit at dusa? Kung puro pighati ang dulot sa kapwa?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 15, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Sanysay ni MarilagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon