ISA

0 0 0
                                    

UNA
Keirylle’s POV

“Ate, bakit ang daming tao?” Tanong ng bunsong kapatid ko, si Keivyn.

“Enrollment kasi ngayon.” Maikling sagot ko sa kaniya.

Maging ako’y nagulat sa dagsa ng mga tao dito sa unibersidad. Unang araw kasi ng enrollment para sa mga freshmen. Ngunit hindi na iyon kataka-taka pa. Ang Mindoro State University ang nag-iisang unibersidad dito sa aming probinsiya. Bukod sa libre ang tuition fees, kalidad din ang handog na edukasyon nila. Patunay dito ang matataas na porsiyento ng mga nakakapasa sa mga licensure examinations.

“Ate, matagal pa ba? Nagugutom na ako,” ungot ni Keivyn.

Binigay ko sa kaniya ang binaon kong tinapay. Gusto ko mang iwanan siya sa bahay, hindi maaari ‘pagkat walang magbabantay sa kaniya.

Wala na kasi kaming kasama sa bahay. Ang aming ama ay may iba nang pamilya, gayundin ang aming ina. Binibigyan nila kami ng panggastos sa araw-araw, ngunit inilagay ko ang mga iyon sa bangko para sa pag-aaral ni Keivyn.

“Ate, upo muna tayo,” anyaya niya nang may makitang libreng upuan.

Papunta na sana kami sa pwestong iyon nang may maupong bata.

“Mommy, Daddy, I’m tired. Let’s rest for a while, please?” Ani ng isang batang babae na halos kaedad ni Keivyn.

“Alright. But we shoudn’t take long. May mga naghihintay sa office para sa enrollment nila,” paalala ng lalaki.

Batid kong sila ay kapwa guro dito sa unibersidad, halata sa kanilang mga pananamit. Ang lalaki’y nasa 40 ang edad, nakaitim na polo shirt, at white pants, at may salamin sa mata. Ang babae nama’y sopistikada sa pananamit. Nakaitim na slacks, at nakaberdeng three-fourths, nakapulon ang buhok, naka-wedge shoes na 2 inches ang taas.

“Ate, tara na,” yakag ni Keivyn na nakapagpatigil sa pagmamasid ko sa mag-asawa.

Batid ko ang ganitong kilos ng kapatid ko. Naiinggit siya sa batang babae, o sa kahit na sino mang bata ang makita niyang kasama ang magulang. Ngunit ni kailanma’y hindi siya nagsabi sa akin ukol sa kaniyang nararamdaman. Ni kailanma’y wala akong narinig na sumbat mula sa kaniya.

Yumuko ako nang bahagya upang magpantay ang aming mga mata.

“Keivyn, ayos ka lang ba?”

“Opo, Ate. Maliit lang pong bagay ito. Andiyan ka naman, labis na iyon para sa akin,” sinserong aniya.

Tanging ngiti na lamang ang naisagot ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong nagawa ko para magkaroon ng kapatid na tulad niya at iyon ang araw-araw kong ipinagpapasalamat.

“Tara na, para maaga tayo makauwi.” Hinawakan ko ang kamay niya saka kami dumeretso sa pila sa registrar’s office.

Halos kalahating oras ang inintay namin sa pila para lang matapos ang transaksiyon namin sa registrar. Ibinigay na sa akin ang class cards, at ang aking schedule.

Binalingan ko si Keivyn ngunit wala na siya doon sa pinag-iwanan ko sa kaniya kanina. Kinabahan ako dahil hindi pamilyar si Keivyn sa lugar na ito lalo pa’t may kalawakan ang field ng MinSU.

Binalikan ko ang pinanggalingan namin kanina, umaasang doon siya pumunta, ngunit wala siya anuman sa lugar doon. Subalit hindi ako nawalan ng pag-asa ‘pagkat alam kong matalinong bata si Keivyn.

Naglakad-lakad pa ako, sinusuyod ang anumang maabot ng aking paningin. Maya-maya pa’y napansin ko ang isang batang kapareho ng damit ni Keivyn. Nakaputing damit na may tatak ng kapa ni superman sa likod, naka-asul na shorts, at nakagrey na sumbrero patalikod.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 20, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Edify Me! (MENTORS Series #2)Where stories live. Discover now