WARNING-----------------------------------------*unedited*------------------------------------------WARNING
Katatapos lamang ng trabaho ko bilang isang call center agent. Buti at maaga ang out naming para hindi na ako mahirapan sa paghahanap ng masasakyan pauwi. Pero kung kalian maaga ang labas ko ay doon din toxic ang mga calls namin. Pagod ang utak ko pagkalabas ng building namin. Sumasakit ang mga mata dahil sa katututok sa computer. Kumikirot din ang puso ko dahil sa sobrang toxic ng trabaho ko ngayong araw. Sa halos 6 months kong pagtatrabaho dito sa kumpanyang ito, ngayon lang ako naka-experience ng isang client na kung makaasta at makahusga sa aking propesyon ay wagas.
Naglakad na ako pababa ng Session Road. Dumampi ang malamig na hangin ng Baguio. Ang ingay ng mga sasakyan at mga taong naglalakad sa Session Road ang makikita mo. Ber months na din at nakaayos na ang mga Christmas tree at Christmas lights sa bawat building. Kahit pagod at drained ay hindi ko parin maiwasang mamangha sa mga magagandang palamuti.
Nang maramdaman kong sumasakit ang mga binti ko ay nagpasya na akong pumara ng taxi. Ngunit sa pang-ilang subok ay hindi parin ako hinihintuan ng mga taxing pinapara ko. Pagod na pagod na ako at ramdam ko na talaga ang sakit sa aking mga paa. Namumuo na rin ang inis sa aking ulo ngunit para hindi ako mas lalong ma-stress ay bumaba nalang ako papuntang plaza at umupo sa isa sa mga bench.
Sa plazang ito, gabi-gabi ay may mga artist na nagpe-perform. Lalo na ngayong gabi. Nagkalat din ang mga palamuti dito sa plaza dahilan para magmukhang buhay ito.
Ibinaba ko ang bag ko sa tabi ko at uminom ng tubig. Kasalukuyan akong nanonood ng performance ng isang lalaking nasa mid-30's na. nagpapatugtog siya ng mga kanta gamit ang kanyang flute. At talagang nakakatanggal ng pagod kapag pinapakinggan mo siya. Maraming nanonood. Maraming nakaupo at aliw na aliw sa kanyang musika.
Ngunit sa huling tinugtog niyang tila napakalungkot ng mensahe ako napatigil. Tila bumalik ako sa nakaraan kung saan, sa nakaraang iyon ay puro mga napagdaanan at pagsubok ang nakikita. Lalong sumakit ang puso ko na sa bawat pag-ihip ng flute ay parang mga karayom na tumatarak sa aking puso. Hindi ko alam na napaluha ako.
Agad kong pinunasan ang mga luha ko nang may tumabi saking isang lalaking mukhang turista lamang dito. Naka itim na jacket na makapal, Faded jeans at cap ang suot niya. Maganda din ang tindig niya at halatang maganda ang katawan. Nakita ko rin ang suot niyang earrings na diamante ang disenyo.
"He's good, right?" saad niya sa matigas na ingles habang nakatingin sa nagpe-perform. Pamilyar ang kanyang boses na para bang nadinig ko nay un sa kung saan. Na para bang paborito ko ang boses na 'yun kaya't pati puso ko ay parang hinehele ng kanyang boses. ngunit hindi ko alam kung ako ba ang kanyang kausap pero napatango ako sa sinabi niya dahil totoo naman.
Tanging ang mga tao sa paligid at ang performer ang maririnig sa pagitan namin. Hindi ko na muli siyang nilingon at tunuunan na lamang ng pansin ang performer.
Sa huling tunog ng kanyang flute ay humangin nang malakas. Sa sobrang lamig at lakas ng hangin ay napapikit ako. Dinamdam ko ang hangin. At kasabay no'n, ang paninindig ng balahibo ko nang maramdaman ko ang init sa tabi ko at ang hininga niya sa leeg ko.
"You did great today." Bulong niya.
Sa gulat ko ay napatayo ako at napalayo sa aking kinauupuan. Ngunit ang katabi ko kani-kanina lang ay Nawala na parang isang bula. Kataka-taka ang sinabi ng lalaki kaya agad kong iginala ang aking paningin. At doon, Nakita ko siya na papatawid na papuntang kabilang sidewalk. Gusto ko siyang habulin at tanongin kung sino siya at para saan ang kanyang sinabi. Kung kilala ba niya ako at kung anong sadya niya.
Ngunit di ko na ginawa dahil sa takot na baka isa siyang masamang tao at pinagtitripan lang ako. Nagpasya na akong pumara uli' ng taxi at sa pangalawang pagpara ay huminto na ito sa tapat ko.