Ang Demonyo

40 0 0
                                    

Nagsimulang maglakad ang lalakeng may mapupulang nagliliyab na mga mata patungo sa kinatatayuan ni Steve at ni Ella. Nakasuot ito ng itim na jacket at kupas na maong. Maliban sa mga mata ay hindi na matanaw kapwa ni Steve at ni Ella ang mukha ng lalake pagkat parang blanko ito at nababalot ng kadiliman.

“Ella, halika na!” hinila ni Steve ang kamay ni Ella at agad silang tumakbo.

Tila ba ay walang pakialam na siya ay matakasan, naglakad lamang kasunod nila Steve at Ella ang lalake.

Mabilis ang pagtakbo ni Steve, pero si Ella ay hindi masyadong makasabay dahil sa mga sugat sa paa nito. Mga ilang minuto lamang ang lumipas ay bumigay na ang mga binti ni Ella at siya ay tuluyang nadapa.

 “Ella!”

“Ahhhh…” naging masama ang pagbagsak ni Ella. “Di ko na kayang tumakbo, Steve.”

Tumigil si Steve sa pagtakbo at binalikan si Ella. Kinuha niya ang flashlight mula sa kanyang bag upang tingnan ang mga paa ni Ella.

“Steve, mas madali tayong matutunton ng humahabol sa atin dahil sa ilaw mo!”

Hindi sumagot si Steve.

“Steve, ano ka ba! Tumakbo ka na!” sambit ni Ella.

Matapos makita ang duguan at sugatang paa ni Ella, sumagot si Steve “Hindi kita pwedeng iwan dito, Ella, alam mo yan!”

“Pag di ka tumakbo, pareho tayong mapapahamak.”

“Tingin mo ba mas magiging okay para sa akin pag nakaligtas ako at alam kong may iniwanan ako? Na may nangyaring masama sa kanya dahil inuna ko ang sarili kong kapakanan?” sagot ni Steve.

Hindi sumagot si Ella. Nagulat ito sa kabaitan at katapangan ni Steve. Tuloy ay napaisip siya kung bakit sa tagal nilang dalawang naging magka-klase ay kailanman ay hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na kilalanin ang isa’t isa.

“Halika, Ella, umakbay ka sa akin.” Sabi ni Steve at tinulungan niyang tumayo si Ella. “Tingin ko, malayo na tayo sa lalakeng humahabol sa atin. Pero kailangan pa rin nating magtago ng mabuti habang di mo pa kayang tumakbo.”

“Salamat, Steve.”

“Walang anuman.”

Tinulungan ni Steve na maglakad si Ella patungo sa likod ng isang may kalakihang puno at doon sila nagtago.

“Siguro ay dapat dito na tayo magpalipas ng dilim kung hindi tayo matutunton ng humahabol sa atin. Mas ligtas kung aalis tayo dito sa La Oscuridad pag maliwanag na. Teka, paano ka nga ba napunta dito?” tanong ni Steve kay Ella.

“Hindi ko alam at hindi ko rin masyadong maalala. Napakalabo, pero parang sa panaginip ko, may naririnig akong boses, at sinusundan ko ito.” Bahagyang tumigil si Ella sa pagsasalita.

“Ella? Ayos ka lang ba?”

“Ah, oo.” Muling tumigil si Ella sa pagsasalita, pero itinuloy niya pa rin ang sasabihin. “Tapos nang magising ako, nandito na ako sa lugar na kailanman ay hindi ko pa napuntahan. At ngayon, hinahabol ng lalakeng hindi ko man lamang kilala. Kilala mo ba ang humahabol sa atin, Steve?”

“Hindi ko siya kilala. Pero tiyak kong siya ang…” hindi itinuloy ni Steve ang kanyang sasabihin.

“Ang?”

“Ah wala..basta.”

“Eh ikaw, bat ka narito?”

“Mahabang kwento.”

“Marami akong oras para making, Steve.”

Hindi agad sumagot si Steve. Pero naisip niyang mapagkakatiwalaan niya naman si Ella, kaya sinagot nito ang tanong ng dalaga. “Narito ako upang maghanap ng sagot.”

Mikay's Body GuardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon