Stefano
Maingay ang bubong ng waiting shed namin dahil sa bagsak ng ulan. Kamot ulo ako habang pinagmamasdan ang kapal ng bawat ulan na hindi ko inaasang ngayon pala. Wala na akong ibang magawa kundi ang bumuntong hiningi. Malas talaga ang araw na 'to.
Paano ba naman kasi?
Bwenas, nahuli akong nagseselpon kaninang TLE ng discipline coordinator namin. Hindi ko naman mabanggit na pinayagan kaming gamitin yung selpon namin habang nagdodrawing ng plates. Hindi ako sumbungero para mapahamak ang TLE titser ko. Mula sa kwadradong salamin ng pinto ng silid namin, nakadungaw ang discipline coordinator at matulis ang tingin sa akin. Napangiwi na lang ako nang senyasan niya akong lumapit sa aknya.
Paktay na.
Hirap din kasing makapagpokus sa plates lalo na kung hindi nakikinig sa Eraserheads.
Tsaka Junior High na kami. 'Di ba dapat pinapayagan na kaming makapagcellphone na?
Kaya pinaghintay ako kanina hanggang sa matapos ang duty ng mga teacher at pinatawag ako sa discipline office para makuha ko na ang phone ko.
Mukhang tatagal pa ako dito. Walking distance lang naman ang bahay namin dito pero wala akong dala na payong o kapote. Hindi ko rin naman kasi inaasahan na magagalit ng ganito ang kalangitan.
Ano ba ang nagawa ko para sunud-sunod ang mga nangyayari?
"Lakas ng ulan," rinig kong salita ng nasa likuran ko. Napangiti ako nang marinig ko ang boses na 'yon.
"Lakas nga eh, paano kaya uuwi nito," tugon ko naman sa kanya. Lumingon ako sa gawi niya at ngumiti ng malungkot. Tinugunan niya ako ng matamis na ngiti.
Sumayad sa ilong ko ang pamilyar na amoy ni Ethan. Pinaghalong downy at pabango niya na nabili niya sa bench kasama ako. Yung una sabi ko sa kanya, bagay sa kanya yung pabango na 'yon tapos hindi na siya nagdalawang isip na bilhin yung pabango na 'yon.
"Alam mo kung ano mas malakas?" nakangisi niyang tanong sa akin.
Kumunot naman ang noo ko, "Ano?" nagtataka kong tanong sa kanya.
Sumulong siya paharap at inilapit ang labi sa tenga ko para bumulong, "Tama ko sa'yo."
Marahan ko siyang itinulak dahil sa kaswal na ginawa niya sa harapan ng maraming estudyante. Napatingin din ako sa gilid namin, mabuti na lang at walang nakapansin sa ginawa ni Ethan.
"Tukmol, ang korni mo," tugon ko sa kanya habang marahan siyang itinutulak upang mabigyan ng maayos na espasyo ang pagitan naming dalawa. Mabuti na't safe kami.
Ganito talaga si Ethan. Madalas mag pick-up line sa akin. Lalo na kung kaming dalawa lang.
Hindi parin nawawala ang ngiti sa mga labi niya, alam kong napansin niya ang pagiging conscious ko sa paligid namin. Kaya siguro tumayo rin siya ng maayos bago hawakan ako sa siko.
Gusto ko man hawakan ang kamay niya, maraming tao naman sa paligid.
"Tara," yaya ni Ethan sa akin.
"Saan?"
"Uuwi na." Hindi na niya pinansin ang pagprotesta ko at hinatak na niya ako palabas ng school namin.
"Ethan! Ang lakas ng ulan!"
"Ano naman, mahal?" tanong niya sa akin, sinisiguradong walang nakakarinig sa sinabi niya.
Alingawngaw ng patak ng ulan ang namumuo sa paligid. Malamig ang simoy ng hangin kasabay ang ingay ng kalsada at mga sasakyan na dumaraan sa tabi. Ito na yata ang pinaka plot twist ng araw na ito. Ang sumugod sa malakas na ulan. Madaming pumasok sa isipan ko, ang mabasa ang uniform at sapatos ko, ang mahirapang malabhan ang mga ito dahil sa putik, at ang maaksidente kami dahil malakas ang patak ng ulan at baka biglang may yero na lumipad patungo sa amin. Madilim na din ang kalsada kaya walang ibang tao na rin sa paligid.
Kaming dalawa lang ni Ethan.
Nawala ang lahat ngnpag-aalala ko nang makita ko ang itsura niya.
Tumigil siya sa gitna ng ulan at tumingala.
Mula sa liwanag ng ilaw sa posteng malapit, nakita ko ang kagwapuhan niya. Nakapikit siya at nakaangat ang parehas na kamay na para bang dinadama ang patak ng ulan sa katawan niya. Dumidikit na ang kanyang uniporme sa katawan dahil basa na rin ito. Mapayat si Ethan pero nabanggit niya sa akin na nagsisimula na siyang magbuhat para daw magkalaman.
Hindi ko na kailangan magworkout dahil aktibo din naman ako sa basketball. Parati kaming may practice hindi lang ngayon.
Magkasing tangkad lang kami ni Ethan na parehas na 5'6. May pagkachinito siya at maputi dahil Chinese ang tatay niya. Samantalang ako nama'y moreno at pinoy na pinoy.
Si Ethan na yata ang pinaka-spontaneous na taong kilala ko dahil kung trip niyang gawin, walang makakapigil sa kanya. Ito na din siguro ang dahilan kung ba't ako nahulog sa kanya.
"Mahal, damhin mo ang ulan!" sigaw niyang muli sa akin, sapat upang marinig ko.
Napangiti ako at lumapit sa kanya.
"Paano?!" sigaw ko pabalik.
"Halika," pagyaya niya muli. Hinawakan niya ako sa kamay at hinatak payakap.
Dumulas ang hawak ni Ethan sa akin hanggang sa umabot ito sa babang likuran ko. Basang basa kaming parehas ng ulan, sa gitna ng kalsada habang tinititigan niya ako at tinititigan ko rin siya. Tila'y may kantang nagsimulang humele sa aming dalawa. Mabilis ang tibok ng puso ko. Ganito ang kadalasang nararamdaman ko sa tuwing kasama ko siya. Napakatamis ni Ethan at walang araw na hindi niya sinasabi kung gaano ako kahalaga sa kanya.
Dahan-dahang sumasayaw si Ethan na sinasabayan ko din. Hindi ko alam kung saan na nanggagaling ang kakornihan na ito.
Siguro nahawaan na ako ni Ethan?
"Kahit basang basa ka ng ulan, gwapong gwapo parin ako sa'yo, Teptep," saad niya sa akin. "Akin ka lang, ha? Mahal na mahal kita."
Napangiti ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko nababaliw na ako. Kahit ilang ulit nang sabihin sa akin ito ni Ethan, hindi parin akong nagsasawang mapakinggan.
Hindi ko ma-imagine na dadating kaming sa puntong ganito. Kahit pa sikreto ang relasyon naming dalawa, umabot pa rin kami ng isang taon. Noong una, akala ko nanggagago lang si Ethan nang aminin niya sa akin noon na gusto niya ako. At dahil na rin parehas kaming lalaki. Madalas kasi kaming maglokohan noon, tapos biglang nagseryoso siya isang beses nang kaming dalawa na lang at liligawan niya daw ako. Hindi ko na maalala kung papaano pero binigyan ko siya ng tatlong buwan para mapatunayan ang sinabi niya at ang tukmol ginawa nga lahat para mapamalas ang kagustuhan niyang maging kami. At syempre, lahat ng iyon ay sikreto. Siguro kaya din ako pumayag dahil may bahagi ng utak ko na may gusto na din sa kanya kahit pa in denial pa ako noon.
"Syempre naman, Tantan, sa'yo lang ako, mahal na mahal din kita."
BINABASA MO ANG
BEST MAN (BL)
RomanceKilala si Stefano bilang career-driven. Handa siyang isakripisyo lahat ng kasiyahan niya para makamit ang pangarap niya sa buhay. Kahit pa i-sakripisyo ang pagmamahalan nila ni Ethan. Makalipas ang ilang taon, may sarili na siyang pamilya. Ngunit...