Hi, aClans! Alam kong marami sa inyo ang gustong malaman ang POV ni Rhys, and yes. Ito na nga iyon. I am sorry, POV lang, hindi story kasi wala na talaga siya. Hindi na siya mabubuhay pa. Tanggapin na natin ang katotohanan na wala na si Rhys haha. Happy reading, aClans!
***
Rhys Kade's POV
"Wala kang kwenta! Dapat isinama ka na lang ng iyong ina na kung kani-kanino nagpapakama!"
He punched me. Tumilapon naman ako sa sahig sa lakas ng suntok niya. Ako na naman ang nakita niya. Ako na naman ang pinagbuntunan niya ng galit.
Bakit? Bakit ako na lang palagi? Anong ginawa ko? Kasalanan ko bang nabuhay ako?
Hindi ko maintindihan kung bakit ganito na lang ang galit niya sa 'kin. Na sa bawat problemang dumarating sa kaniya, suntok ang natatamo ko mula sa kaniya.
Para bang stress reliever niya na ang saktan ako. Para pagmukhain na sana hindi na lang ako nabuhay sa mundong ito.
"Tanginang buhay ito!"
Malakas kong sinuntok ang pader. Hindi ko napigilan na bumagsak ang mga luha ko kasi hindi ko pa rin matanggap... na nagawa akong iwanan ng sarili kong ina sa kamay ng masamang taong iyon.
Kay Dad na walang ginawa kundi ang saktan ako. Alam kong galit siya kay Mom kasi nagawa nitong makipag-relasyon pa sa iba kahit na kasal na silang dalawa... pero sana naman huwag ako ang sisihin niya sa kasalanan nito.
Anak niya ako, e... pero bakit hindi ko maramdaman iyon? Na sa bawat araw na lumilipas ay hindi ko man lang naramdaman sa kaniya ang kalinga ng isang ama.
Sa halip na yakap ang ibigay niya, suntok ang natatanggap ko mula sa kaniya.
"M-Miss na miss ko na siya, Rhys, miss na miss ko na ang lalaking mahal ko..."
Walang tigil sa pagbuhos ang kaniyang mga luha. Alam kong nasasaktan pa rin siya sa nagawa niyang desisyon. Na pagmukhain na may relasyon kami sa harapan ng lalaking mahal niya para lang bumitaw na ito sa kaniya.
Para lang huwag itong mag-alala sa oras na malaman nito ang kalagayan niya.
Narito kami ngayon sa ospital para mabantayan ang sakit niya. Leukaemia na siguradong namana niya kay Mom... na ngayon ay imposible na naming makapiling pa.
Ang daya, sobrang daya kasi hindi ko man lang naramdaman ang kalinga ng isang ina. Si Ciara lang na kakambal ko ang isinama niya habang naiwan ako sa puder ng lalaking iyon.
"Hush. Huwag ka nang umiyak, narito naman ako..."
Marahan kong hinaplos ang kaniyang buhok na unti-unti nang nalalagas. Nasasaktan ako kasi nakikita ko siyang nasa ganitong kalagayan. Wala man lang akong magawa.
Dapat ako na lang ang dinapuan ng sakit na iyon... para matapos na lahat ang paghihirap ko. Para maging proud na rin sa 'kin si Dad sa oras na tuluyan akong mawala sa buhay niya. Kasi iyon naman ang kahilingan niya... na mawala na ako sa landas niya.
Kailan ko mararanasan ang lubos na kasiyahan sa buhay ko? Magiging masaya pa ba ako? Bakit puro na lang sakit?
Hindi ko ba talaga deserve na maging masaya?
"Ano nang gagawin mo sa buhay mong babae ka, ha?!"
Napadako ang tingin ko sa babaeng umimik. Hindi ko maintindihan pero bigla na lang akong natigilan nang makita ang angkin niyang kagandahan.
Bigla akong napahawak sa dibdib ko. Kailanman ay hindi ko naranasan ito kahit na marami namang babae ang nagtatangkang pumasok sa buhay ko.
Pero hindi ko sila mapagbigyan. Hindi ko na nga magawang mahalin ang sarili ko, ang magmahal pa kaya ng iba?