TAKE ME TO YOUR HEART BY: MIA JANE'S

355 3 0
                                    

TAKE ME TO YOUR HEART
By: MIA JANE’S

Teaser:

Matalik na magkaibigan ang mga nanay nina Jane at Edzyr, kaya wala silang nagawa pareho nang pilit silang ipagkasundo ng mga ito sa isa’t-isa. Dahil ayaw masaktan ang damdamin ng mga ina ay nagkunwaring magkasundo ang dalawa, bagaman daig pa nila ang mortal na magkalaban sa katotohanan.

Kung kailan naman nagkatotoong nahulog na ang loob nila sa isa’t-isa ay saka naman sila tila pinaglalaruan ng pagkakataon. Mapaglabanan kaya nina Jane at Edzyr ang unos na susubok sa kanilang pag-iibigan?

“BOOOOO! Boooo!” malakas na kantiyaw ng isang babaeng nakaupo sa may bleachers kay Edzyr habang nasa kalagitnaan siya ng laro. Naipapasok naman niya nang walang sablay ang bola sa ring pero sige pa rin sa pag-boo sa kanya ang babae. Waring nanadyang asarin siya.
Ano kayang problema ng isang ‘to? tanong niya sa sarili nang pukulin ng inis na tingin ang babae.
“Booooo!” patuloy pa ring hiyaw ng babae. Hindi nito alintana kahit na pinagtitinginan na ito ng mga tao roon. Basta sige pa rin ito sa kakakantiyaw sa kanya habang nakikipagngisngisan sa dalawa pa nitong kasamahang babae.


“P’re, mukhang may hater ka, ah,” puna ng kaibigan niyang si Alvin na siniko pa siya nang maupo sila sa bench. Humiling muna ng time-out ang coach nila.


“Me sapak yata sa ulo ang babaeng ‘yun, ‘p’re,” naaasar niyang wika. “Kapag ‘di pa tumigil ‘yan hanggang mamaya eh hahalikan ko na talaga ‘yan.” 


“Eh ‘di halikan mo para tumigil. Minsan kasi ang mga babae, kailangang parusahan para magtanda,” natatawang turan ng kaibigan.


“Parusa ba iyon, eh, parang ako ang dehado kapag nagkataon, ah?” natatawa ring ganti niya.

“Parusa na rin iyon. Para madala. At saka magpapatalo ka ba sa isang babae lang? Ikaw na heartthrob at kilabot ng mga chicks? Aba’y nagkamali pala ako ng pagkakakilala sa ’yo, p’re!” ani Alvin nang malakas siyang tapikin sa balikat. 

Waring na-challenge naman si Edzyr sa binitawang salita ng kaibigan. Kaagad siyang tumayo upang tunguhin ang kinaroroonan ng babae.

“O, Edzyr, saan ka pupunta?” usisa ng kanilang coach.

“Babalik din po ako agad, coach,” sagot niya at nilandas na ang direksyon ng babae. Kitang-kita niya ang pagbubulungan at pagngingisngisan nito at ng mga kasamahan. Hindi maitago ang excitement sa larawan ng babae nang tumapat siya sa harapan ng mga ito.

“May problema ka ba sa akin?” kunot-noong bungad niya rito.

“Oo naman,” maarte nitong sabi nang dukwangin siya mula sa bleachers. “Ang bano mo kasing maglaro, eh.”

“Paano naman ako naging bano eh naipapasok ko naman ang bola nang walang mintis?” waring nagpanting ang tengang sagot niya.

Tumawa ito ng malakas kaya napalingon sa kinaroroonan nila ang mga kalapit na manonood.
“Bano ka. At wala kang kagana-ganang maglaro. Hindi ko nga maisip kung bakit sinali ka ni Coach sa basketball team gayung—” wala nang naidagdag ang babae nang hapitin niya ito sa bewang at walang paalam na sinakop ng mga labi niya ang mapupulang labi nito.
Saglit lamang ang paghalik na ginawa niya pero kitang-kita ang shock na sumaanyo sa babae nang bitawan niya ito.
“Bano man ako sa basketball sa paningin mo, miss, siguro naman, sa larong gusto mo ngayon eh may naipakita akong galing,” ngingisi-ngising wika niya rito. “And maybe this time, napahanga na kitang tuluyan.” Kinindatan niya ito at saka tinalikuran. Dinig niya ang pagkakagulo ng mga tao nang maging tampulan ng tukso ang iniwang babae.

“HANEP ka talaga, p’re! Hindi ko aakalaing tototohanin mo iyong paghalik sa babaeng nang-aasar sa’yo kanina,” tudyo ni Alvin sa kanya nang nasa may locker room na sila.
“Ako pa ang sinubukan niya, p’re,” pagmamalaki niya. “Sanay yata ako sa larong gusto niyang laruin.” Sabay silang nagkatawanan. Natigil lamang sila nang makitang papalapit sa kanila ang babae kasama ang dalawa nitong kasamahan.

PUBLISHED BOOKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon