AmaAnak (Isang Maikling Kuwento)

23.9K 46 15
                                    

Mataas na ang sikat ng araw nang magising ako. Mag-aalas nuebe na pala. Kailangan ko nang magligpit at baka makipagsiksikan nanaman ako sa terminal mamaya. Habang naliligo ako, naiiisip ko pa rin kung ano ang magiging reaksyon ng aking mga magulang sa aking pag uwi. Mag lilimang taon din akong nakipag sapalaran sa pag aaral. Ni minsan, hindi ko naisip na umuwi sa amin dahil kailangan kong mag tipid. Kailangan kong ipunin ang natitira kong pera. Ayaw ko rin kasing humingi ng pera sa aking mga magulang. Naisip ko kasing baka nahihirapan na sila sa pag papa-aaral sa iba ko pang mga kapatid at hindi ko na kailangang dagdagan ang kanilang paghihirap. Ngayong nakapagtapos na ako sa kolehiyo ay makakauwi na ako. Maipagmamalaki ko na rin sa aking mga magulang ang diplomang natanggap ko at higit sa lahat, maipagmamalaki na rin ako ng aking Ama. Ngunit, takot akong baka sabihin nilang hindi ko na sila kailangan kasi nabubuhay naman ako ng mag-isa. Hindi naman siguro. Kailangan ko lang patatagin ang aking loob.

            Nagpaalam ako sa aking Landlady at sumakay ng taxi. Marami kasi akong dalang pasalubong para sa pamilya. Kahit sa gayong paraan ay maipakita ko ring myembro pa rin ako ng pamilya. Isa pa, bago ako umalis, nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ng aking ama. Lagi naman eh.

Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayokong umuwi sa amin.

            Malayo pa lang ay nakita ko na ang aming bahay. Hindi naman napapabayaan. Maganda namang tingnan. Maging ang mga halaman sa hardin ay nagkakaroon ng mga magagandang bulaklak. Nagtitinginan ang lahat ng mga kapitbahay naming sa akin. Siguro’y nagugulat sa aking pag uwi. Ewan. Wala akong pakialam sa kanila.

            Kumatok ako sa aming pintuan at marahang ipinihit ang seradura ng pinto.

                        “Nay?” mahina kong inusal. Inilapag ko ang maleta at ang tatlong plastic ng grocery sa sahig. Walang tao. Muntik ko nang makalimutan, Martes pala. May pasok silang lahat, pero bakit wala si Itay? Wala rin namang trabaho ‘yun eh. Nagpasya akong umidlip muna hanggang tuluyan na akong nakatulog dahil sa pagod.

                        “Larry? Gising!”

            Bahagya kong iminulat ang mapait kong mga mata. Naroon na si Inay. Nakangiti habang pinagmamasdan ako. Bahagya akong ngumiti. Nais ko siyang yakapin. Nanabik din ako sa kanyang mga yakap pero…nahihiya ako.

                        “Kain na! Pagod na pagod ka o” sabi niya habang inaayos ang hapag na saganang sagana sa ulam.

            Tumayo ako at tinungo ang lamesa at nagsimulang kumain. Maya maya pa’y dumating si Arlene, ang nakababata kong kapatid. Ngumiti siya’t patakbong tumungo sa akin at mahigpit akong niyakap. Mahaba-habang kwentuhan rin ito mamaya.

                        “Kumain ka na Len. Nasaan nga pala sina Bebeng at Nonoy? Hindi ko pa sila nakikita kanina pa ah!”

“Hindi po sila umuuwi tuwing tanghalian. Sa iskul po sila kumakain” tugon niya. Muntik ko nang makalimutan, malayo nga pala ang haiskul dito sa amin.

            Parang kulang. May isa pang tao na hindi ko pa nakikita. Ayokong sambitin ang kanyang pangalan pero parang may tumutulak sa akin. “Asan nga pala si Tatay?” tanong ko kay Len.

            Napatingin siya kay Nanay at bahagyang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Gayon din si Nanay. Napatigil siya sa pagliligpit ng gamit. Nagtaka ako. Bakit? Naitanong ko sa aking sarili. Naupo si Nanay sa aking tabi. Hinawakan ang aking mga kamay. Ramdam ko ang lamig nito at maging ang mga kalyo sa kanyang mga palad. Napatingin ako sa kanyang mga mata. Nakikita ko. Pangungulila? Hindi…hindi ko alam. May iniabot siya sa akin. Sobre. Nagdidilaw na ito sa luma. Namamantsahan na rin ito ng mga patak ng kung anong tubig. Ewan. Kinakabahan ako.

                        “Basahin mo.

Para sa’yo ‘yan.” sabay siksik ng sobre sa aking mga kamay.

            Sa pagbukas ko ng papel na ‘yon, unti unting bumabalik sa aking ala-ala ang mga pagkakataong nagkakaroon kami ng ‘di pagkakaintindihan ng aking ama. Masakit isipin na nagmumula kami sa iisang pamilya, at nagkakaroon pa kami ng ‘di pagkakaunawaan. Ama ko siya at anak niya ako. Ni minsan nga’y di ko naramdaman na naroon siya’t sumusuporta sa aking mga tagumpay, ngumingiti sa bawat awiting iniaalay ko sa kanya, sabay na lumuluha sa bawat pagkabigo ko. Kailan? Kailan ko pa mararamdaman ang pagmamahal niya? Alam kong kaunti na lang ang panahon na magkaroon kami ng pagkakataong magsalo sa iisang pinggan at ngumiti sa mga pagakakamali.

            Nakapangalan ang sulat sa akin. Binasa ko ang sulat:

“Nak,

Alam kong masakit pa rin ang loob mo sa akin sa nangyari sa atin. Hindi ko ginusto ang lahat. Ayaw kitang saktan. Ang nais ko lamang ay ang kabutihan para sa’yo, para sa mga kapatid mo. Alam kong nagkulang ako. Hindi ko naipadama ang pagmamahal ng isang tunay na ama sa’yo pero sana, naramdaman mo rin na kahit minsan, naroon ako para sa’yo. Ginawa ko rin ang lahat at alam kong kulang ‘yon. Kulang pa na maipakita ko sa’yo na kaya ko kayong buhayin. Kulang pa na maupo ako sa tabi mo at makinig sa mga awitin mo. Kulang pa lahat nang ‘yan. Kinaya ko ang hirap para lang mabuhay ko kayo pero naisip ko ring may hindi tama. Nak, natatandaan mo pa bang dumalo ako sa High school graduation day mo? ‘Yon ang una kong pagdalo sa mga espesyal na araw mo dahil gusto kong maipadama sa’yo na ako’y nariyan lang para subaybayan ang bawat hakbang mo patungo sa magandang kinabukasan.”

Ramdam ko ang basang luha na tumutulo mula sa aking mga mata. Nasasaktan ako.

                        “Minsan ay iniwan ko kayo sa gitna ng kahirapan. Tumakas ako sa riyalidad. Ayokong pasanin ang hirap dahil gusto kong nasa kaginhawaan lamang. Huli na nang malaman kong parte pala ng buhay na minsan, kailangan nating maghirap, matikman ang pait na dulot nito. Hindi ako naging mabuting Ama at asawa. Naging ignorante ako.

Alam kong nanabik ka sa aking mga yakap, sa aking mga pag aaruga, at sa aking pagmamahal. Ipinagkait ko ‘yon lahat. Naging maramot ako sa’yo. Pero sana, minsan man lang ay naramdaman mong mahal kita. Sana, matanggap mo pa rin ang aking pagmamahal kahit sa huling sandali. Nak, sa’yong pagbasa ng sulat na ito, marahil ay wala na ako. Habangbuhay na mawawala. Sinubukan kong hanapin ka pero nabigo ako at hanggang sa huling sandali ay naisip kung sumulat na lang. Huli na ang lahat para sa atin pero kahit man lang sa sulat na ito ay masabi kong ni minsan, hindi kita pinagkaitan ng pagmamahal. Mahal kita anak at mamahalin kita sa bawat araw na may nararamdaman ako.

            Bumuhos ang luhang matagal kong inipon. Hindi ko akalaing minsan pala ay minahal rin ako ng aking ama, Ama na akala ko’y naging maramot ng kanyang pagmamahal. Hindi ko maintindihan kung bakit sadyang malupit ang tadhana para sa akin, kung bakit huli na nang matagpuan ko ang pagmamahal na matagal kong hinanap. Nais kong sumpain ang mundo. Nais kong magsumigaw at itakwil ang sinomang may kagagawan ng lahat ng ito pero kanino? Kanino ko isisisi ang lahat ng ito?

            Inilabas ng aking ina ang isang kahong naglalaman ng kung ano-ano. Nang mapagmasdan ko’y lalong nag init ang aking mga mata at nanghina ang buo kong katawan.

            “Itinago niya ‘yan. Gabi-gabi niyang pinagmamasdan ang iyong mga medalya’t diploma.” usal ng aking ina. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko sa aking mga napagmamasdan at naririnig. Sa mga pagkakataong iyon ay nanikip ang aking dibdib. Mahal ako ng aking ama. Mahal na mahal niya ako.

            Muli akong nanabik sa kanyang mga yakap, sa kanyang mga halik at sa kanyang mga pag aaruga.

            Kahit sa huling pagkakataon, sana, naipakita man lang niya sa akin na tunay siyang nanabik sa akin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 15, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AmaAnak (Isang Maikling Kuwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon