"Makapamamahinga rin."
Bigkas ko nang matapos ko ang ginagawa kong report. Ako lang yata ang kumikilos sa proyekto na ito dahil hindi naman tumutulong ang iba kong ka-grupo. Puro kasi mga gala at paglalaro ng online games.
Inayos ko na ang aking mga gamit at higaan, umaga na pero gising pa ako. Maaga pa akong gigising kasi kailangan ko pang ayusin ang mga gamit ng kapatid ko bago pumasok sa paaralan.
"Oh anong oras na, ngayon ka lang umuwi?! Hindi ka na nga tumutulong pagdating sa pera tapos maglalasing ka pa!", sigaw ng aking ina.
"Eh anong gusto mong gawin ko? Tumunganga sa walang kwentang bahay na ito?!", sagot naman ng aking ama.
Hindi ko na sila pinansin nang marinig kong may nabasag. Palagi na lang silang ganyan, nasasanay na nga lang kami sa away nila dahil parang wala naman nagbabago.
Pinuntahan ko ang kwarto ng aking mga kapatid at sinilip sila. Tama nga ang hinala ko na nagising sila dahil sa away kaya pinatulog ko sila ulit. Sigurado na mag-lilinis na naman ako ng bahay mamayang umaga dahil maraming nasisirang gamit kapag nag-aaway ang mga magulang namin.
Dalawang oras lang ang tulog ko pero pakiramdam ko eh sampung minuto lang, panibagong araw na naman. Ayoko na.
Pagkatapos kong ayusin ang mga kapatid ko at ang aking mga gamit, dali dali akong nagsuot ng jacket at naghanap ng masasakyan dahil mahuhuli na ako sa aming klase.
"Palagi na lang", sabi ko habang inaayos ang nasira kong sapatos. Limang taon ko na yata ito ginagamit pero hindi pa napapalitan. Mas magandang ipunin na lamang ang pera sa pagkain namin kaysa ibili na naman ako ng sapatos. Kaya pa naman pagtiisan.
Pagkapasok ko sa aming silid ay tama nga ang hinala ko, nahuli na naman ako.
"Athena Lopez... Ano? Late ka naman?! Wala ka na bang balak magbago?!", singhal sa akin ng aming guro.
"Sir pasensya na po marami po kasi akong---"
"Inayos? Marami ka na namang inayos? Hindi ka ba nagsasawa sa mga palusot mo? Ang sabihin mo, tinatamad ka lang talaga. Labas!"
Kung nakikita lang niya ang sitwasyon namin sa bahay, siguro eh maiintindihan niya kung bakit ako palaging nahuhuli. Hindi ko rin naman ginusto ito.
"Pasensya na po talaga Sir Garcia, hindi ko naman po inaakala na mas maraming akong aayusin ngayon araw."
"Ms. Lopez, kung hindi ka nagsasawa sa mga palusot mo, ako nagsasawa na. Lakad, lumabas ka. Merong pagsusulit ngayon at nakaaabala ka na masyado!" sigaw niya ulit sa akin habang nakaturo sa nakabukas na pinto.
Dahan-dahan akong tumalikod mula sa galit naming guro at sa mga kaklase kong pasimpleng nagtatawanan. Wala na naman akong magagawa kung hindi tanggapin na lamang ang pagpapalabas niya. Wala rin naman akong napag-aralan para sa pagsusulit na yon dahil masyadong marami ang pinagagawa sa akin bilang pangangay sa bahay.
Tumambay na lamang ako sa pahingahan sa aming paaralan. Wala naman daw kaming klase sa susunod na dalawang asignatura kaya inilabas ko na lang ang aming report sa aking bag upang pag-aralan muli. Panigurado ay mamimilit na naman ang mga kagrupo ko na ako ang magsalita kahit na ako ang nag-ayos at nagsulat nito.
Pagkatapos ng halos tatlong oras, may nakita na naman akong mga pamilyar na mukha papunta sa aking direksyon.
"Hoy Athena! Musta pahinga mo? Solid kanina ah, edi bagsak ka na niyan sa pagsusulit?", pangangantyaw nila Kalix habang tumatawa.
"Aww kawawa naman, feeling Cinderella ulit siya sa bahay nila eh!", dagdag naman ni Ross.
"Cinderella pero imbis na nawawala ang sapatos, sa kanya ay sira naman! Tignan niyo oh parang buwaya, ang laki ng puwang!", pang-aasar ni Mark. Siya ang pinakamayaman sa kanilang magkakaibigan kaya grabe na lang rin kung makapang-asar sa kakayahan ng ibang tao.
BINABASA MO ANG
Pahinga (one-shot story)
Short StoryMaraming dahilan ang binibigay ng mundo para sumuko. Ngunit anong klaseng pahinga ang gugustuhin mo?