Sa aking Walang Hanggan,
Nakakapagod ang linggong ito—pero mas nakakapagod ang hindi maipaliwanag na damdaming nararamdaman ko dahil sa isang tao. Kahit nasa iisang lugar ay hindi na kami muling nagkausap nito.
Pinili ko siyang iniwasan dahil ayaw kong mapalapit sa kanya ang loob ko, pero mayamaya naman siyang sumasagi sa isip ko. Hindi ko maintindihan, bakit ko paulit-ulit maiisip ang isang taong hindi naman naging ganoon kalapit sa akin?
Napapaisip tuloy ako, hindi kaya siya na ang taong sinusulatan ko? Hindi kaya siya na si "Walang Hanggan"? Hindi kaya ikaw na siya? Paano kung mapalampas kita sa takot kong yakapin ang naiiba naming simula? Paano kung dahil sa sobrang pagiging tradisyunal ko ay mabigo akong piliin ka?
Ngunit makalalampas nga ba ang tadhana? Mawawala ka ba kapag natakot akong sumugal sa kanya? Pero hindi, kung ikaw na nga talaga siya, gagawa at gagawa ng paraan si Bathala.
Magtatagpo at magtatagpo tayo sa araw na pinagpala.
Nananalig na matatagpuan ka,
AnnePinili kong iwasan si Andrew kahit sa totoo lang ay natutuwa akong kausap siya. Ang dami naming pagkakapareho at ang lalim niyang tao. Hindi ko rin inasahang magtutuloy-tuloy ang pag-uusap namin noong araw na iyon. Sa isang panig ng puso ko, ayaw ko nang dumilim pa at bumalik kami sa kanya-kanya naming mundo.
Ngunit paano naman magiging siya ang tadhana ko? Buong buhay kong hinintay ang aming pagtatagpo. Iyon bang parang titigil ang mundo at waring may mahika na babalot sa lahat para maramdaman namin na, "Ito na iyon, tapos na ang paghahanap." Hindi naman siguro katulad ng sa amin na sa isang kapehan dahil pinilit siyang pumunta ng mga kaibigan naming naniniwala na para kami sa isa't isa.
"Destiny na iyan! Sa layo ng lugar na iyan, nagkita pa rin talaga kayo," kinikilig na wika ng matalik kong kaibigang si Melissa.
"Destiny pero reto simula? Universe dapat," tugon ko.
"Oh, e, universe na iyan! Ano pa bang tawag? Labas na kami riyan," sagot niya.
"Kung hindi n'yo naman kami pinakilala, kahit magkita kami rito e hindi kami magkakausap. Kayo pa rin ang simula," sabi ko.
Napailing siya, "Ewan ko sa'yo, tama na fairytale!"
Biglang tumunog ang cellphone ko. May mensahe mula kay Andrew, "Nakauwi ka na siguro ngayon, ano? Ako, nag-iimpake na."
"OMG, siya iyan, 'no? Don't deny it, profile picture niya iyan!" ani Melissa.
"Best naman! Nagiging nice lang siya," wika ko.
"Sus, anong nice? Sobrang mahiyain kaya iyan. Nakasama na namin iyan sa iba't ibang photography events sa kung saan-saang lupalop ng Pinas pero wala ni isa sa aming naka-receive ng message na ganiyan," sabi niya.
Lihim akong natuwa pero wala akong balak hayaan ang sarili ko na kausapin siya nang matagal.
"Yup, pahinga na," maikling tugon ko sa mensahe ni Andrew.
"Please rest, napakalayo ng biyahe mo at sure akong pagod ka sa weeklong event na 'yon," sagot niya.
"Ay, reaction lang? Wala bang 'thank you' with heart emoji?" panunukso ni Melissa.
"'Di na, okay na iyan," wika ko, "baka isipin pa niyan gustong-gusto kong nireto n'yo ako sa kanya. Patiently waiting naman ako sa forever ko, kayo lang nagmamadali."
Ang hindi ko lang maintindihan, bakit wala na akong ibang ginawa kung hindi maisip si Andrew maging sa pinakahindi inaasahang pagkakataon. Bakit ganito na lamang ang pagdalaw sa akin ng alaala ng taong minsan ko lang naman nakasama?
Kabanata IV - Excerpt
***
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.
BINABASA MO ANG
Muntik Na Kitang Maging 'Walang Hanggan'
RomanceHindi ko alam kung sadyang hindi lang ikaw ang aking "Walang Hanggan" -o mayroong lang talagang walang hanggan na tumatagal lamang sa loob ng anim na buwan.