17

16 3 245
                                    

Tinupad ni Gelucke ang pangako kay Raja, na huwag sasabihin ang napag-usapan nila kasama ang mga Viloria. Hindi pa naman iyon sigurado, kaya para kay Raja ay hindi pa iyon marapat na ikuwento sa iba.

Inipit niya ang bulaklak sa librong binabasa niya kapag siya ay nakahanap ng libreng oras. Ang paborito niyang tambayan ay ang asotea sa likod ng bahay, kung saan tanaw ang dagat. Nakatakikod kasi ang bahay rito gayunman man ay may labasan din kapag lumagpas na ng kusina.

"Nag-aagaw na ang liwanag at dilim..."

Napaisip si Raja.

"Sa huli, magwawagi ang dilim."

Napatango siya. Bumaba ang kaniyang tingin sa libro, tungkol iyon sa mga batas. Nagbaon din siya ng isa pang libro na Noli Me Tangere ang pamagat. Nahanap niya iyon sa pinakasulok na bahagi ng silid-aklatan. Tagong tago at mukhang ayaw ipabasa. Ngunit kinuha niya iyon dahil gusto niyang malaman ang ibig sabihin ng pabalat.

"Ang mga prayle..." bulong ni Raja. "Walang pinagkaiba sa aking ama, mapang-abuso."

Totoo kaya ang sinasaad ng nobelang iyon?

"Sa huli kaya ay matatalo rin ng liwanag ang dilim? Kung sabagay, natatapos ang gabi. Magwawagi rin ang araw."

Napangiti si Raja.

"Ang lahat ng naapi't natapakan ay babangon at lalaban."

Nanghihinayang siya sapagkat wala na si Binibining Maraskina, na kadalasang kakuwentuhan niya sa mga ganoong bagay. Bahagya siyang kuryoso sa tirahan nito, anang mga kasambahay ay sa paanan lang din ng dagat ang mansyon nila. Marahil ay malapit lang sa kung nasaan si Raja ngayon.

Naisip niya si Maraskina at ang kakaibang karamdaman nito. Posible pala ang ganoon. Ngunit, bakit? Isinumpa?

Maniniwala ba si Raja sa sumpa?

Maya-maya ay pumasok na siya. Naabutan niya si Simoun sa sala at abala rin ito sa pagbabasa. Nalaman niyang malapit na ang balik-escuela ng bata. Namangha rin si Raja doon, gusto niyang maramdaman kung ano ang pakiramdam na pumasok sa ganoong institusyon.

"Binibini!" pukaw sa kaniya ng bata, malaki na agad ang ngiti nang malingunan ni Raja.

Imbis na dumeretso paakyat si Raja ay tila hangin siyang naglakad tungo sa bata.

"Anong binabasa mo?" parang batang tanong ni Raja at pumangalumbaba sa harapan ni Simoun.

Sinilip niya iyon at puro numero ang kaniyang nakita.

"Sipnayan."

Gusto rin sana ni Raja iyon kaso mukhang mahihirapan siya.

"Madali lang... pag-aralan, Binibini." Malaking ngumisi ang bata. "Gusto mo? Mahusay rin po ang aking ama rito, kung iyong nais matutunan ay... magpaturo ka po sa kaniya."

Alam ng bata ang tungkol sa kaniya, iyon ang tumatak kay Raja. Gayunpaman ay wala siyang naramdaman kung hindi ay mas lalo pa siyang naging kumportable sa harapan nito.

"Ano po binabasa niyo?"

"Tungkol lang sa mga batas, Simoun. At Noli Me Tangere."

"Maganda pong nobela iyan." Malungkot na ngumiti ang bata. "Kaso ay maraming bumabatikos sa may akda, tinaguriang filibustero..."

Natahimik si Raja. Filibustero, minsanang na iyong napaliwanag sa nobela kaya naman alam niya na ang kaguluhan niyon.

"Touch me not... Iyan po ang ibig sabihin ng pamagat sa wikang Ingles. Kung sa Filipino naman po ay 'Huwag mo akong hawakan'." Ngumiti ang bata.

Ang Inalay na Gumamela✓ (ANLS #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon