CHRIS
Bago pa man ang official announcement nito ay alam na ni Chris na nakapasok siya sa Basketball team ng San Pablo Colleges. Bukod sa confidence sa ipinakitang talento at skills noong try-out, tuwang-tuwa agad ang coach sa kanya at nagawa pang i-high five siya noong matapos ang try-outs. Kaya naman matapos siyang palihim na kinausap ng coach ay parang lumulutang siya habang naglalakad pabalik sa classroom niya sa third floor ng kanilang bulding.
Kakaibang excitement ang nararamdaman niya habang umaakyat sa hagdan. Halos isang taon din siyang nagpahinga mula sa paglalaro ng basketball dahil sa pinagdaanan niya noong junior high school. Nagkataon namang lumipat siya ng bagong school ngayong senior high at nagkaroon ulit siya ng interes sa paglalaro ng basketball.
Nagmamadaling lumabas ng campus ang dalawa pang kaklase niyang nag-try out din at dahil kinausap pa siya ng coach ay hindi siya nakasabay sa mga 'to. Wala ng masyadong tao sa building dahil mag-a-ala sais na at nagsi-uwian na ang mga estudyante para sa nalalapit na hell week. Hindi tuloy inaasahan ni Chris nang marinig niya na mayroon pang mga tao sa classroom. Hindi pa ba nakakauwi sina Dale at Jacob? Iaangat na sana niya ang kamay niya sa doorknob nang biglang may nagsalita mula sa loob na hindi kaboses ng sinuman sa dalawang kasama sa try out.
"Makinig ka sa'kin—"
"Alam ko na ang sasabihin mo kaya umalis ka na, please lang!"
Kahit na pamilyar sa boses ng kaklase ay nagulat pa rin si Chris. Si Charles? Ni minsan ay hindi niya narinig na tumaas ang boses nito. Ilang linggo palang niyang nakilala ang tahimik na kaklase pero ni minsan ay hindi niya ito nakitang nagalit man lang.
"Ganito ka nalang lagi Charles! Kahit kailan hindi kita nakausap nang matino. Nung isang araw pa kitang gustong makausap tungkol dito —"
"Manhid ka ba? Matagal ko na ring sinabi sa'yo na ayaw ko na. Pero ikaw yung ayaw makinig!"
"Eh ano bang gusto mong gawin ko?! Matapos ang lahat ng 'to, ganun-ganun nalang? Sana una palang sinabi mo agad."
Nang mapagtantong seryoso ang usapan sa pagitan ni Charles at ng kausap nito ay humakbang agad palayo sa pinto si Chris at naglakad palayo. Dinala na lamang siya ng mga paa niya sa bakanteng comfort room sa dulo ng floor nila. Nawala sa isip niya ang tungkol sa varsity at napalitan ng pagkalito sa paksa ng usapan ng dalawa.
Maraming pwedeng topic ang dalawa...? In a relationship ba sila? Pareho silang lalaki, pero kung tutuusin, di naman 'yon imposible. Hindi naman ito ang unang beses... Pero dahil hindi niya inaasahang ganon si Charles ay lalo lang namangha si Chris. Pero baka naman mamaya ay hindi pala...? Hindi naman niya alam talaga ng kwento kaya pinilit niyang kalimutan ang mga assumption sa utak niya.
'Wala naman akong kinalaman dun,' naisip ni Chris. Ayaw na niyang maulit pa ang nangyari noong junior high.
Humarap siya sa salamin at walang palya ang mga matang tumingin sa repleksiyon ng leeg niya. Sa bawat pagharap niya sa mga salamin ay doon lagi bumabagsak ang paningin niya kahit na wala namang kakaiba doon...
Isang malakas na buntong hininga ang pinakawalan niya bago buksan ang faucet para maghilamos. Dahil nasa classroom sa loob ng locker ang bag niya pati na ang dalang towel at pamalit na damit ay napilitan tuloy siyang gamitin ang suot na jersey para tuyuin ang mukha. Kakapain sana niya ang cellphone sa bulsa pero naalalang nasa bag din pala niya ang cellphone niya
'Gaano pa ako katagal maghihintay dito?' Ayaw naman niyang bumalik agad dahil baka nandoon pa. Pero mukhang hindi naman magtatagal dahil mukhang nagtatalo.
Sa huli ay napasandal nalang siya sa lababo at napatulala sa mga nakasulat sa pinto ng cubicle.