CHARLES
Akala ni Charles ay ibabagsak nito ang pinto dahil halatang masama ang loob nito noong tinalikuran siya at naglakad palayo pero tahimik na isinara ni Angelo ang pinto nang lumabas ito. Sobrang bilis tuloy ng tibok ng puso niya at maging ang kamay niya ay nanginginig sa halu-halong emosyon na nararamdaman.
Hindi na siya sigurado kung pagsisisi ang nararamdaman niya o takot... Gusto na niyang umuwi para magkulong sa kwarto pero nanlalambot pa siya dahil sa nangyari. Umupo siya sa isang monobloc at sumubsob sa malapit na desk.
Sunod-sunod na hikbi ang pinakawalan niya at hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha. Gaano katagal nga ba niyang pinilit na ibaling sa ibang mga bagay ang atensiyon sa takot na mangyari to? Ito ang kauna-unahang beses na hinayaan niya ang sariling umiyak dahil dito.
Ilang saglit pa ay umupo siya nang ayos at pinunasan ang mukha gamit ang panyong nakatago sa bulsa ng slacks niya. Medyo humapdi ang mata niya dahil sa pag-iyak at sa takot na may makahalata ay nagdesisyon si Charles na maghilamos muna ng mukha bago umuwi.
Kinuha niya ang ilang gamit sa locker niya at inilagay sa bag bago lumabas ng classroom. Walang bakas ni Angelo kaya dire-diretso siya sa dulong comfort room. Wala sa sariling pumasok si Charles at napatigil lamang nang nagtama ang mga mata nila ng kaklaseng si Chris.