Inspired by Junjun Salarzon’s comment in Clara Benin - Parallel Universe (Performace Version)
—
Napatingin ako sa lalaking nasa isang gilid ng classroom namin, nakaupo siya at pawang iniisip kung may pwede ba siyang gawin dahil wala pa ang professor namin para sa oras na ‘to.
Ang buhok niya ay parang bagong alis lang siya sa kama, hindi din siya nabiyayaan ng katangkadan at mukhang bata para sa edad niya. Pero kakat’wang lahat ng ‘yon ay pinagmumukha siyang isang mamahaling bagay. Nakakainis, sana lahat ay ganoon.
Palakaibigan naman siya, napansin ko kanina no’ng hinayaan kami ng unang professor na kilalanin ang isa’t-isa, pero ngayon ay tahimik siyang nag iisa. Hindi kagaya ng karamihan na mayroong kadaldalan, gano’n talaga siguro kapag bagong lipat ka.
“Kanina ka pa nakatitig, gusto mong kausapin?” Seryosong sabi ng kaibigan ko. Tatango pa lang ako ay pumasok na kaagad ang isang guro. Hindi ako nagkaroon ng tyansa.
“Sabay ka sa‘min kumain,” ngiti ng kaibigan ko sa lalaking ‘yon na ang pangalan pala ay Priam. Ngumiti lang siya bago tumayo at kunin ang wallet niya sa bag.
“May lahi ka? Ba’t Priam pangalan mo?” Takang tanong ng kaibigan ko. Tinitigan ko siya dahil sa biglaang tanong niya.
“Oo, Pilipino?” Takang sagot din niya. Hindi ko napigilan ang pagtawa. “Lahat naman tayo may lahi, gaga ka,” nagtawanan kaming magkakasama.
“Gwapo niya din kasi...” sagot pa niya, hindi naintindihan ang mga salitang kakasabi ko pa lang, tinitigan ko siya bago hinampas.
Napuno ng tawanan ang buong hapon na iyon, noong sumunod na araw ay hindi na siya nawala sa isip ko. Crush? Infatuation? Fallen? Continuously falling?
Masyado nang seryoso ang mga huling bagay na nabanggit ko. Siguro ay crush dahil patuloy ako sa pag-iisip sa kaniya? Hindi na bago ang nararamdaman kong ganito, maraming beses ko na ’tong naramdaman, mga ilang araw o linggo ay sigurado akong mawawala din ‘to kaya hahayaan ko na lang ang sarili ko.
Kinabukasan ay nakita ko ulit siya sa klase, mas maayos siya sa araw na ‘to, hindi ko maitatanggi ‘yon, pero ang buhok niya lang at pananamit ang inayos niya ay ganito na ako, pinipigilan ang sariling magmura dahil sa kilig.
“Alam mo... parang nagkakaroon na ako ng feelings kay Priam,” nakapikit at tila kinakabahang sabi ni Dana sa akin, kalahating taon matapos naming makilala si Priam.
Ano ba kasi ang hindi kagusto-gusto kay Priam? Parang lahat ng ginagawa niya ay attractive, kahit yata pawis ay dumaragdag sa kagwapuhan niya.
Sana ay kaya kong kalimutan ang nararamdaman ko, sana ay gano’n kadali, pero paano ko pang makakalimutan ngayong mahal ko na ang init na ibinibigay ng nararamdaman ko dahil sa kaniya? Sobrang delikado pero magpapanggap akong may laban at bala sa laban na ‘to... kalaban ang sarili ko.
Pero matapos ang ilang araw ay natagpuan ko ang sarili kong malapit sa kinauupuan niya, natauhan ako noong makitang aksidenteng naisketch ko siya.
Dalawang taon na ang nakalilipas, marami ng nagbago at may mga naluma, marami na ang umalis at dumagdag sa mga taong nakikilala ko, ganoon din sa mga kaibigan ko, he left, I stay.
Hindi ko alam kung ang mundo ay naging masama o mabuti sa akin, inimbita siya ni Dana matapos ang ilang taong hindi pagkikibuan, nakakainis na natuwa ako dito. Wala na sa kontrol ang puso ko.
Natuwa sila no’ng bumagay siya sa grupo namin, ulit, pinili kong magpanggap na isa lang akong kaibigan at ‘yon lang. May isa nanaman akong tyansa para kilalanin si Priam, ang mas bago niyang bersyon na kahit kailan ay hindi ko nakilala dahil sa pagiingat ko.
Day by day, I become more and more different, the me that I didn’t know, soft, vulnerable and fragile.
“I like you,” I confessed, he just shook his head, not believing any of it. Bawa’t hakbang niya palayo ay pinakatitigan ko, hindi ako umiyak, hindi ako naghabol, hindi ko siya muling tinawag.
It only took three words to distance myself from him. Sigurado na akong ganoon ang magiging sagot niya pero hindi ko inaasahan na sobra ang sakit kapag naranasan ko na. Akala ko ay huminto ang oras at ang pagtibok ng puso ko.
Ginawa ko ‘yon dahil gusto kong umusad na, pero nasaan ako ngayon?
Wala akong nakuha kung hindi sakit, pero sigurado akong naiwan ko na ang nararamdaman ko sa kabanatang ‘yon, iniwan ko na ‘yong pagmamahal na dala-dala ko sa mahabang panahon.
‘Yong nararamdaman kong nasanay na lang akong itinatago at hindi ipinararamdam kahit na kanino. ‘Yong nararamdaman kong palaging nakasunod, tila isang anino.
Ang sakit ba na ‘to ay dahil sa kaibahan ko? Was I too desperate? Gay?
Pero lahat ng iyon ay tapos na dahil itinaas ko na ang puting bandera na nagsilbing ako’y talo na, o sa una pa lang ay talo na ako?
End
BINABASA MO ANG
Aerach
RomanceAERACH (One Shot) Written by Kyeries Inspired by Junjun Salarzon's comment in Clara Benin - Parallel Universe (Performace Version)