June 3, 2010

15 0 0
                                    

Si Marco ay ang nag-iisang anak ni Mrs. Vergara. Mag-isa lang siyang naiiwan sa bahay nila mula noong abandunahin sila ng kanilang ama. Hindi rin naman siya masamahan at mabantayan ni Mrs. Vergara dahil nagtatrabaho naman ito. Ayaw naman din niya na parati na lang mag-isang naiiwan ang kaniyang anak sa kanilang bahay. Kaya, isang araw, kumuha si Mrs. Vergara ng Yaya para mabantayan ang kaniyang munting anghel.

"Ate Mabel? How's Marco?"

"Ay Madam, napansin ko lang ho na parang nakasimangot lang po lagi itong si Marco. Aba'y simula po nung ako'y pumarine eh hindi ko pa po nakikitang ngumiti ang bata. Ako naman po'y nag-aalala lang din sa kaniya. Wala po ba s'yang pinsan man lang para naman po eh magkaroon ng kalaro ang bata?"

Lumingon si Mrs. Vergara sa kinaroroonan ni Marco at katulad nga ng isinalaysay ni Ate Mabel ay nakasimangot pa rin ito.

"Nag-iisang anak lang din kasi 'yang ama niya, kaya wala talaga siyang makalarong pinsan. Pero hayaan mo Ate, iisip din ako ng paraan para magkaroon s'ya ng kalaro."

Kinabukasan, pagkauwi ni Mrs. Vergara, tila nag-iba ang ihip ng hangin. Sa unang pagkakataon ay nakita na nila ang mga nakasisilaw na ngiti ni Marco. Maging sila ay tila nahawaan ng kasiyahan ng munting anghel dahil abot hanggang tainga ang kanilang mga ngiti. Ang dahilan? Inuwian kasi siya ng kaniyang ina ng isang bagong kaibigan. Hindi isa pang Ate Mabel o 'di kaya'y isang panibagong stuffed-toy, ngunit isang munti at bibong-bibong tuta na pinangalan naman nilang Sol.

Magpamula noon ay ito ay ang naging kalaro, kasiyahan, at kapatid ni munting Marco. Sa tuwing uuwi mula sa paaralan ay agad niyang pinupuntahan at kinakalaro si Sol. Ganoon din naman ang tuta, sa tuwing nakikita ang kaniyang kaibigan ay walang humpay ang pagwagwag nito ng kaniyang mumunting buntot. Ganito ang parating eksena sa tuwing nagkikita ang magkaibigan at simula noo'y hindi na nila nakitang nakasimangot si Marco.

Ngunit hindi doon natuldukan ang kuwento ni Marco. Dumating ang araw, noong siya'y papauwi mula eskwelahan, imbes na masigla, bibo, at makulit na Sol ang tumambad sa kaniya, nanghihina, malungkot, at walang gana na munting tuta ang sumalubong sa bata. Sinubukan niya itong pakainin ngunit tinatanggihan niya ito. Inaaya niyang makipaglaro, ngunit ayaw umalis sa iisang puwesto. Tumabi siya rito.

"Sol, ano po problema mo? Laro na po tayo sa labas, kawawa naman po ako, walang kalaro," bulong ni Marco sa kaniyang tuta ngunit tila hindi siya naririnig o pinapansin nito.

"Alam mo po ba kanina inaway ako ng isa ko pong classmate sa school, pero okay lang po 'yon kasi kasama naman po kita, kaya sabihin mo rin po kung sino nang-away sa'yo para papagalitan po s'ya ni Mommy natin," dagdag pa niya at saka hinagkan si Sol.

June 3.

Dalawang araw na ang nakalilipas simula noong manghina si Sol, ngunit hanggang sa ngayon ay ganoon pa rin ang kalagayan niya at hindi pa rin ito kumakain ni umiinom. Paulit-ulit na kumaway at nagpaalam si munting Marco sa kaibigan tuta bago tumungo sa paaralan. Nakangiti pa rin itong nagpaalam kahit na malungkot ang kaniyang kaibigan.

4:00pm

Nakauwi na si Marco mula sa paaralan. Agad siyang tumungo sa dog-house ni Sol ngunit nawala ang kaniyang mga ngiti noong hindi niya natanawan ang tuta. Nakatakas kaya siya? O 'di kaya nama'y ninakaw? Ito ang mga tanong na agad bumulabog sa isipan ni Marco nang hindi matanawan ang kaibigan. Maya-maya, mayroon siyang narinig na malakas na kahol mula sa kaniyang likuran at paglingon niya ay tumambad sa kaniya ang kaibigan at agad siyang hinila nito papuntang hardin at doon nakipaglaro.

"Akala ko po iniwan n'yo na ko!" masayang sabi ng bata habang nakikipaglaro sa tuta.

Nakasama, nakalaro, at nakadamay ni Marco si Sol hanggang sa kanilang paglaki. Kasa-kasama niya ito sa lahat ng okasyon, mapa-party man, kasal, at maging sa pagpunta sa parke.

11 Years Later...

"Marco, where are you na ba? Tara na rito at nag-aantay na yung mga bisita mo oh."

"I'll be there Mom, inaayusan ko lang po si Sol."

"Hey bro, dapat pogi ka rin ngayon, sabay tayong iihip ng kandila and sure na pipicturan tayo nila Mommy kaya dapat magkasing-pogi tayo," sabi ng binatang si Marco kay Sol habang nilalagyan ito ng asul na bandana sa leeg.

"Ayan na po s'ya Madam! Sus ginoo ka-gwapo naman ng batang ere," sabi ni Ate Mabel.

Lumabas na si Marco kasama si Sol mula sa bahay nila para kitain ang mga bisita niya ngayong 16th Birthday niya. Pumunta sila sa harap at pumuwesto para hipan nila ni Sol ang kandila.

"1..."

"Galingan mo ang pag-ihip bro ah."

"2..."

"Ready."

"3..."

Tumakbo papalayo si Sol.

"Sol!" Hindi nahipan ni Marco ang kandila at agad na sinundan si Sol. Kumaripas siya ng takbo sa takot na baka masagasaan ang alaga dahil sa may bandang kalsada ito tumungo.

"Marco! Come here!" sigaw ng ina niya sa kanya habang hinahabol ito ngunit tila wala siyang naririnig.

"Marco Sebastian Vergara! Ilang beses ko bang ipapaintindi sa'yo na 11 years na ang nakalipas nang mamatay iyang aso mo!"

Nahilo bigla ang binata at nandilim ang paningin. Unti-unti ring humina ang boses na naririnig niya hanggang sa makatulog siya.

Nakatakas kaya siya? O 'di kaya'y ninakaw?

Mayroong kumatok sa pinto.

"Marco, I'm so sorry to tell you about this," si Mrs. Vergara.

Unti-unting tumulo ang luha sa mga mata ni munting Marco. Tinignan niya ang kalendaryo kahit nag-uulap ang mga mata dahil sa luha.

June 3, 2010

"Sol, passed away this morning."

Munting MarcoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon