CHAPTER FOUR

1 0 0
                                    

"Magandang gabi po, Yaya Isay," ang magalang na bati ni Dafydil sa medyo may katandaang babae na sumalubong sa kaniya at nagbukas ng gate. Nagmano siya rito. Kinuha naman nito ang dala niyang mga prutas at box ng pizza na paborito ng nakababata niyang kapatid.

"Kaawaan ka ng Diyos. Mabuti naman at napadalaw ka," ang sabi nito na tila may gustong sabihin. "Magbihis ka na at nakahanda na rin ang hapunan. Si Sonar naman ay pauwi pa lang din."

Ang tinutukoy nito ay ang kapatid niyang si Sorrel Narcissus kung saan ang ikalawang pangalan nito at ang pangalan niyang Dafydil ay nanggaling sa bulaklak na daffodil. Haruka Dafydil ang buo niyang pangalan pero mas komportable siyang tawaging Dafydil, Daf or Dil. Mahilig ang kaniyang ina sa mga halaman lalo na sa bulaklak kaya nga ang bahay nila mula sa gate, paloob ng bahay hanggang sa terrace ay may mga halaman. Para na tuloy gubat. Pati nga pala sa bawat banyo kaya talagang kapag pupunta ka roon ay literal na tinatawag ka ng kalikasan.

Hinubad niya ang suot na sapatos at maingat na inilagay sa shoe rack na malapit sa pinto saka nagsuot ng tsinelas. Pagkatapos ay inilapag ang bag sa sofa.

"Ang Mama po?" tanong niya habang kumukuha ng tubig mula sa ref. Nagsalin siya sa baso at uminom.

"Nasa kuwarto niya. Maghapon na siyang hindi lumalabas," ang sagot ni Yaya Isay na inayos na sa malaking bowl ang mga prutas. "Gusto mo bang ipagbalat kita ng mansanas?"

"Huwag na po Yaya. Ako na lang po. Magpahinga na po muna kayo at tatawagin ka nalang namin kapag tapos na kaming kumain." Kinuha niya ulit ang backpack at nagsimula nang humakbang paakyat sa kuwarto nang may naalala siyang itanong kaya tumigil siya at lumingon. "Ang Papa po?"

"Sabi niya ay may business trip siya," sagot nito.

"Baka business and leisure trip," bulong niya. Malaki ang construction company ng pamilya sa side ng kaniyang ama at maraming kontrata sa government projects ang nakuha nito. Ilan sa mga ito ay dahil sa tulong din ng pamilya nila Carwyn. Mining business naman ang sa side ng kaniyang ina. Kaya naman ay maalwan talaga ang buhay nila. Pero hindi talaga lahat ng kaligayahan sa mundo ay kayang bilihin ng salapi. Kung mayroon lang kasing pagkakataon ay bumili na sana siya ng isang masayang pamilya.

"Sige po Yaya. Pupunta muna ako sa kuwarto ng Mama," sabi niya at umakyat na sa hagdan.

Marami nang nabago sa bahay na iyon na bihira lang din naman niyang inuuwian. Lima na ang malalaking kuwarto sa 2nd floor at nagpaextend pa ng 3rd floor kung saan may tatlong kuwarto na nagsisilbing guest rooms. Kumatok siya sa pinto ng kuwarto ng kaniyang mga magulang pero walang sumasagot. Pinihit niya ang doorknob at nalaman niyang hindi ito nakalock. "Ma, papasok na ako, ha," ang sabi niya bago ito binuksan. Pero pagpasok niya ay wala roon ang kaniyang ina. Maayos na maayos ang beddings ng kingsize bed sa gitna ng kuwarto palatandaan na walang natutulog doon. Marahan niyang isinara ang pinto at dinala siya ng kaniyang mga paa sa library na nagsisilbing opisina ng kaniyang mga magulang. May space rin doon na maaring gawing tulugan. Kumatok ulit siya. "Ma? Are you inside? Si Dafydil po ito." Narinig niyang may yabag palapit sa pinto.

"Hi, anak. Hindi ka nagpasabing uuwi ka pala," ang sabi ng kaniyang inang si Rosamel na hinalikan siya saka niyakap. Mas payat ngayon kumpara noong huling kita niya rito. Nakasuot ito ng damit na may manggas at pantalong kupas.

"Miss ko na kayo eh. Dito muna ako magstay. P'wede po ba?" tanong niya na niyakap din ito at naramdaman niyang napaigtad ito. Baka may masakit pa rin.

"Of course. Bahay natin ito. Palagi namang malinis ang kuwarto mo," sagot ng ina at bumitaw na sa kaniya.

"Sabi ni Yaya Isay, nasa kuwarto ka raw pero parang hindi naman natutulugan ang kuwarto ninyo. Magkahiwalay pa rin ba kayong natutulog ng Papa?" tanong niya at napako ang mata ni Dafydil sa mukha ng ina. Mugto ang mga mata nito at kahit na takpan ng make-up ay bakas pa rin ang mga pasang papagaling na. Kinuha niya ang kamay ng ina at itinupi ang manggas ng damit nito. May mga bakas ng kamay na dala ng mahigpit na paghawak siguro kung kaya may pasa. Itinaas din niya ang sa bandang tiyan nito at ganoondin. Mas malalaking pasa at mukhang bago lang. Hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang kamay at ibinaba na ang damit. "Huwag mong sabihing nabangga ka na naman o kaya ay nahulog Ma." Ito ang mga madalas na rason ng ina noon kapag pinapansin niya ang mga pasa nito sa katawan. "Sinasaktan ka pa rin ba ng Papa? Bakit hindi mo na lang kasi hiwalayan at iwan ang Papa? Hindi ka po namin maipagtatayo ng rebulto niyan. Hindi pagiging martir ang maging battered wife," ang sagot niyang may hinanakit sa ina pero nag-uumapaw ang galit niya sa kaniyang ama. Ito ang dahilan kung bakit ipinasok siya ng kaniyang ina sa MAE upang mailayo sa ama. Natakot kasi si Rosamel na baka pati siya ay saktan din ng amang si Adolfo.

Monte Asta Etella Series 2: I CHOOSE TO STAY WITH HERWhere stories live. Discover now